Sekyu na tutulog-tulog sa duty, namaril

MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang security guard na pinatalsik sa puwesto dahil sa tutulug-tulog sa duty makaraang barilin ang kanyang security officer, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Kinilala ang suspek na si Florencio Rios, 30, ng 15th Street, Brgy. Sto. Niño, naturang lungsod habang ligtas na sa kapahamakan makaraang maisugod agad sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Augustus Ceazar Gabiazon, 32, security officer ng Securiton Security Service, Inc.

Sa imbestigasyon ng Parañaque police, pauwi na sakay ng motorsiklo ang biktima dakong alas-7:15 kamakalwa ng gabi nang harangin ng suspek na lulan rin ng isang motorsiklo sa may Ninoy Aquino Avenue, sa naturang lungsod.

Sunud-sunod na pinagbabaril ng suspek ang biktima na nagawa pang makatakbo at makahingi ng tulong sa mga security guard na naka-duty sa may PAGCOR sa kabila ng pagtatamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.  Napilitan namang tumakas si Rios.

Nabatid na inirekomenda ni Gabiazon na malipat ng puwesto at oras ng trabaho si Rios makaraang paulit-ulit na mahuli itong natutulog habang naka-duty. Isinuko naman si Rios ng pamunuan ng Securiton Security Services at nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder.

Show comments