MANILA, Philippines - Sinamantala ng dalawang salarin na riding-in-tandem ang pagiging abala ng mga pulis sa mga sementeryo at terminal makaraang pagbabarilin at mapatay ang isang negosyante, kahapon ng umaga habang patungo sa isang sabungan sa Parañaque City.
Nakilala ang nasawi na si Jesus Cristobal, 34, may-ari ng isang brake bonding shop at naninirahan sa Clarmen Village Dasa, Brgy. San Dionisio, ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng isang tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo sanhi ng agad nitong kamatayan.
Sa ulat ng Parañaque City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-9:20 ng umaga sa Brgy. BF Homes. Kasama ng biktima ang apat na kabarkadang sina Melvin Bolada, Arnel dela Cruz, Ernesto Basa at Lodie Cristobal na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo at patungo umano sa isang sabungan nang harangin ng dalawang suspek.
Tinutukan ng baril ng dalawang suspek ang lima at pinababa ng kanilang motorsiklo bago hiningi ang kanilang mga wallet at relo. Nagulat na lamang ang apat nang biglang barilin sa ulo ng isa sa mga suspek si Cristobal kaya nagkanya-kanya umano silang takbo.
Ayon naman kay Senior Supt. Billy Beltran, hepe ng Parañaque City Police, posibleng hindi pagnanakaw kundi personal na galit ang motibo ng mga salarin dahil si Cristobal lamang ang tinarget ng mga ito. Maaaring nais lamang ilihis ng mga salarin ang tunay na motibo, ayon sa pulisya. Ipinag-utos na ni Beltran sa kanyang mga tauhan ang malalimang imbestigasyon sa krimen kung saan hinihintay pa ang mga pahayag ng mga kaanak nito.