High-tech traffic light sa Metro, tuloy na

MANILA, Philippines - Tuloy na ang pagpapalit ng high-tech traffic signal light sa Kamaynilaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) makaraang ibasura ng Makati City Regional Trial Court ang petisyon na isinampa ng isang “consortium” na natalo sa “bidding” sa naturang P300 milyong proyekto.

Sa apat na pahinang desisyon ni Judge Carlito Calpatura, ng RTC Branch 145, ibinasura nito ang petisyon para sa “temporary restraining order (TRO)” na hiniling ng Abratique and Associates at First United Constructors Corp. para mai-award ng MMDA ang naturang proyekto sa ibang kompanya.

Sinabi ng huwes na nabigo umano ang consortium na maipakita sa korte na may na­labag sa kanilang karapatan  sa pagdaraos ng bidding ng MMDA. Wala umanong naipakitang ebidensya ang nagpetisyon para maipakita na kuwalipikado sila sa naturang bidding.

“Their claim that their rights will be violated if no TRO is issued is farfetched because they have not even shown that they are entitled to the award of the project,” ayon sa desisyon ng huwes.

Isinampa ng naturang consortium ang petisyon makaraang magdeklara ang MMDA ng “failure of bidding” sa proyekto.

Natuwa naman si MMDA Chairman Francis Tolentino sa desisyon ng korte at iginiit na walang­ paglabag sa batas sa ginawa nilang bidding base sa Republic Act 9184 “Government Procurement Reform Act”.

Katuwang pa ng MMDA bilang special adviser ang Imperial College of London para sa “traffic signalization upgrading” sa Metro Manila.

 

Show comments