Misis inakyat-bahay, pinilahan ng 3

MANILA, Philippines - Isang misis ang dumulog sa himpilan ng pulisya makaraang umano siyang pagnakawan at halinhinan pang gahasain ng tatlong miyembro ng ‘Akyat Bahay Gang’ sa Mandaluyong City kama­kalawa ng gabi.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Lorna, 24, isang private employee na nakatira sa Brgy. Addition Hill sa lungsod, matapos umanong limasin ng mga suspek ang lahat ng maa­aring pakinabangan sa loob ng kanyang bahay ay hinalay pa siya sa kabila ng kanyang pagmamakaawa.

Kalaboso naman at naka­detine na ang mga suspek na sina Arvin Segura, 21; ng Blk.6 Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal; Alex Peña­randa, 23, construction worker­  at ang menor-de-edad na si Romie, kapwa  ng Blk. 40, Brgy. Addition Hills.

Sinabi ng biktima sa Women’s and Children Protection Desk (WCPD) ng Mandaluyong police, na ganap na alas-11:00 ng gabi nang pasukin siya sa kanyang bahay ng mga suspek.

Nag-iisa lamang ang biktima sa kanilang tahanan dahil ang mister nito ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

Ayon sa biktima galing umano siya sa trabaho dakong alas-11:00 ng gabi at kara­rating lang niya sa kanyang bahay ng may kumatok sa pintuan  at nang kanyang silipin ay nakita niya ang dalawa sa tatlong suspek na sina Peñaranda at Segura  at dahil hindi kilala kung kaya’t agad isinara ang pintuan subalit naging mabilis umano ang mga suspek at buong lakas na naitulak agad ang pintuan hanggang sa makapasok ang mga ito.

Nagdeklara ng holdap ang mga suspek at bago kinuha ang lahat ng maaari nilang pakinabangan ay halinhinan muna siyang ginahasa.

Matapos magreklamo sa mga awtoridad ay agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga ta­uhan ng Police Community Precinct 1 sa pangunguna nina PO1 Ken Jordan at PO1 Bob Lolong na nagresulta ng pagkakaaresto ng tatlong suspek.

Show comments