MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng tarpaulin, streamers o anumang advertisement ng mga political candidates sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC) at sa iba pang sementeryo sa Maynila, bukod pa sa mga patalim, alak at mga gamit sa pagsusugal kasabay ng paggunita sa panahon ng Undas.
Ito ang sinabi ni Manila Mayor Alfredo S. Lim, kung saan sinabi nito na mas makabubuti kung pagtutuunan na lamang ng pansin ang pagdarasal para sa kaluluwa ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sa kanyang pagbisita sa MNC, inatasan ni Lim si MNC director Eddie Noriega, na tiyaking handa na ang lahat para sa paggunita ng All Saints’ Day sa Nobyembre 1 at All Souls Day sa Nobyembre 2. Ayon kay Noriega, inaasahang aabot sa 2 milyon ang dadagsa sa MNC.
Maging si MSC director Henry Dy ay nagbigay na rin ng katiyakan na handa na ang lahat ng kanyang mga tauhan upang masiguro na magiging maayos ang paggunita sa Araw ng mga patay.
Ang mga ilaw sa mga sementeryo ay inayos na rin upang mabigyan ng liwanag na lugar sa mga sementeryo bukod pa sa makatutulong ito sa mga pulis na magpapatrulya din sa lugar.
Kaugnay nito, tiniyak din ni Manila Police District Director, Chief Supt. Alex Gutierrez, na sapat ang mga pulis na ipakakalat sa mga sementeryo upang magmentine ng peace and order.
Samantala, hanggang sa Oktubre 31 na lamang maaaring maglinis ng mga nitso habang sa Oktubre 29 na lamang maaaring ipasok ang mga sasakyan. Sarado naman sa Oktubre 28 ang mga sementeryo sa anumang paglilibing at maari lamang maglibing sa Nobyembre 5.