MANILA, Philippines - Naging emosyonal kahapon ang pagharap bilang testigo ni Janelle Manahan, ang kasintahan ng pinaslang na si Ramgen Revilla sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Paranaque Regional Trial Court (RTC).
Naiiyak na isinalaysay ni Manahan sa sala ni Judge Fortunino Madrona ng Branch 274 ang limang taon niyang pananatili sa pamilya ng napaslang, pati na ang pagiging istrikto ni Ramgen sa kanyang mga nakababatang kapatid.
May pangyayari aniya na sinapak ni Ramgen ang nakababatang kapatid na si Reuben nang hindi makapagsumite ng project sa paaralan habang napalo naman ng baril si Ramona o Mara nang hindi umuwi ng bahay noong taong 2009.
Hindi rin aniya sila inimbitahan sa kasal ng kapatid na si Gail kay Hiro Furuyama dahil may alitan din ang magkapatid.
Mahigpit aniya sa pagdisiplina sa mga kapatid si Ramgen dahil siya ang pinakapanganay at tumatayong ama ng magkakapatid.
Inilahad din ni Manahan sa kanyang pagtestigo ang pangyayari noong Oktubre 28, 2011 kung saan dismayado aniya si Ramgen sa kapatid na si Mara nang umuwi ng nakainom kasama ang mga barkada.
Ilang sandali pa’y kumatok aniya si Mara at hinihingi kay Ramgen ang video upang maipakita sa kanilang kapatid na si RamRam na nag-aaral sa Philippine Military Academy (PMA).
Habang nag-uusap aniya ang magkapatid, bigla na lamang siyang nakaramdam ng pamamanhid at nakita niya ang isang naka-maskarang suspek na may hawak na baril na may silencer.
Sinabi ni Manahan na bagama’t may tama na siya ng bala sa pisngi, nakita niyang nakikipambuno na si Ramgen sa suspek hanggang marinig niya si Mara na sumigaw ng “Tama na”.
Nang makapasok aniya si Ramgen sa silid, isinara na nila ang pinto subalit napansin nila na hindi na kumikilos ang duguang biktima. Ipinasiya naman ng korte na itakda ang pagpapatuloy ng testimonya ni Manahan sa Nobyember 6 matapos hilingin nito na itigil muna ang kanyang paglalahad.
Kaugnay pa nito’y pinayagan naman ng korte ang hirit ng akusadong si Ramon Joseph “RJ” Bautista na madalaw ang puntod ng kanyang kapatid na si Ramgen sa Oktubre 28 sa Angelus Memorial Park sa Imus, Cavite mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-6:00 ng gabi para 1st death anniversary nito matapos na hindi tumutol ang kampo ni Manahan.