MANILA, Philippines - Dahil sa lumalalang biktima ng “cervical cancer” sa kababaihan, nagpasa ng isang ordinansa ang pamahalaang lokal ng Pasay City upang magsagawa ng giyera laban sa naturang sakit sa pamamagitan ng paglalabas ng higit P6 milyong pondo.
Ayon kay Pasay City Mayor Antonino Calixto, inisyal na P1.5 milyon ang ilalaan nila sa natitirang dalawa at kalahating buwan ng kasalukuyang taon habang P5 milyon naman sa kabuuan ng taong 2013 para sa libreng pagpapabakuna ng kababaihan sa Pasay. Ito’y sa ilalim ng ipinasang City Ordinance no. 4947-2012 na nagtatakda ng “cervical cancer prevention program” sa lungsod.
Sa datos ng pamahalaang lungsod, higit sa 600 kababaihang buhat sa mahihirap na pamilya ang nagbenepisyo sa libreng bakuna noong taong 2011.
Sa adisyunal na pondo, mas marami pang mga kababaihan ang makikinabang sa libreng bakuna.
Sinabi ni Calixto na importante na maproteksyunan ang babae, bata man o matanda sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Mas mainam umano ang “prevention” kaysa sa gamutan kapag na-detect na ito.
Pinasalamatan naman ni Councilor Pinky Lyn Francisco si Calixto sa suporta sa programa na kanyang pinasimulan.
Nabatid na nitong nakaraang Oktubre 15, naibigay na ang ikalawang dose ng bakuna sa mga benepisyaryo sa Pasay City Session Hall. Nagbigay rin ng leksyon sa mga partisipante ukol sa cervical cancer at sa halaga ng bakuna.
Sa datos ng World Health Organization, ang cervical cancer ang ikalawang pinakapalasak na kanser sa buong mundo sa mga babae na may edad 15-anyos pataas.
Sa Pilipinas, nasa 6,000 babae ang nagkakaroon ng naturang kanser at nasa 4,300 ang nasasawi sa sakit.