MANILA, Philippines - Isang babae ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang nobyo kahapon ng madaling-araw sa Pandacan, Maynila.
Inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng 30-35-anyos, may taas na 5’, nakasuot ng green na t-shirt, itim na pantalon at isang sapatos na naiwan sa kanyang kaliwang paa.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na inilarawan na may edad sa pagitan ng 30-35, may taas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, nakasuot ng bull cap at itim na jacket na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa report ni Det. Rodelio Lingcong ng MPD-Homicide section, dakong alas-4:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng isang bahay sa Kahilum St., Pandacan, Maynila.
Nauna rito, magkaangkas ang biktima at suspect sa isang motorsiklo at pagdating sa harapan ng nasabing bahay ay tumigil ang mga ito at dito narinig ang pagtatalo.
Ilang sandali pa ay niyakap ng suspect ang biktima at walang sabi-sabing binaril ito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may tama ng bala ang biktima sa kanyang leeg malapit na kanyang bunganga na tumagos sa kanyang ulo palabas sa kanang tenga.
Ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa St. Yvan Funeral Homes para sa awtopsiya at safekeeping.