Hinaing ng isang ama
Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay hayaan ninyong batiin ko kayo ng isang mabiyayang araw. Ako po si Donato, 67 anyos, biyudo at may kaisa-isang anak na civil engineer. Wala na po akong inaasahang kita kundi ang kaunting pension ko na kulang pang ipambili ng aking maintenance medicine.
Ako ay kaisa-isang anak din at minahal ko pareho ang aking mga magulang na ngayo’y kapwa patay na. Kahit wala akong tinapos na kurso, matagumpay akong nagnegosyo at itinaguyod ko ang aking mga magulang hanggang sa pagtanda nila. Kahit nang mag-asawa ako ay hindi ko sila pinabayaan.
Pero bakit ganoon? May anak akong nakapagtapos ng magandang kurso pero nang mag-asawa siya ay abutan at dili niya ako ng tulong. Ang ginawa ko na lang ay nagbukas ako ng maliit na tindahan na siyang pinagkukunan ko ng pagkain araw-araw.
Hindi ko ipinaghihinanakit ang kawalan niya ng tulong sa akin ngunit bakit ganito ang iginanti sa akin ng tadhana.
Matanda na ako at ayaw kong pumanaw na naghihinanakit sa aking anak. Payuhan mo po ako.
Donato
Dear Donato,
Kahit pala hindi ka tulungan ng anak mo, binigyan ka pa ng kakayahang kumita ng Diyos sa munti mong tahanan.
Diyan nakikita ang kabutihan ng Panginoon sa’yo.
Masakit nga para sa iyo na tila hindi tumatanaw ng utang na loob sa iyo ang iyong anak.
Ama ka pa rin niya at karapatan mong magsalita sa kanya. Sabihin mong matanda ka na at hindi magtatagal na maaaring ‘di ka na puwedeng maghanapbuhay.
Sabihin mo na inaasahan mo na hindi ka niya pababayaan sa panahong wala ka nang lakas. Kung may puso siya, mauunawaan niya ang message na nais mong ipaabot.
Dr. Love
- Latest