Gusto pero hindi magawa
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang po akong Mark, 28 anyos, empleyado sa isang mall. Gusto ko lang po ibahagi ang aking nararamdaman sa lady guard na matagal ko nang hinahangaan.
Araw-araw ko siyang nakikita sa entrance, laging nakaayos ang buhok at matikas manamit sa kanyang uniporme. Bukod sa kanyang ganda, hinahangaan ko ang kasipagan at disiplina niya sa trabaho. Sa bawat “good morning, sir!” niya, pakiramdam ko’y napapasaya niya ang buong araw ko.
Gusto ko sanang gumawa ng paraan para makilala siya nang personal, pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin magawang lumapit. Natatakot ako na baka hindi niya ako pansinin o kaya’y isipin niyang bastos ako. Minsan nga, sapat na sa akin ang masilayan siya mula sa malayo, pero gusto ko rin namang malaman kung may pagkakataon ba akong mapansin niya.
Pagpayuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin.
Mark
Dear Mark,
Nakakatuwa ang kwento mo dahil nagpapakita ito ng tunay at simpleng paghanga.
Pero tandan mo, Mark, na ang paghanga ay hindi dapat manatili lamang sa tingin. Kung gusto mong makilala siya nang higit pa, kailangan mong gumawa ng hakbang. Maaari mong simulan sa simpleng pagbati na may kasamang ngiti. Maaari ka ring magpakita ng appreciation sa kanyang trabaho—halimbawa, isang simpleng, “ang sipag n’yo po, ma’am. Saludo ako sa inyo!” ay maaaring makapagpasaya sa kanya.
Kung makita mong komportable siyang kausap ka, saka mo subukang alamin kung bukas siya sa mas malalim na pag-uusap. Dahan-dahan lang, huwag mong madaliin. Good luck, Mark! Sana’y maging masaya ang iyong love story.
DR. LOVE
- Latest