Selos

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Len, 27 anyos. Tatlong taon na kaming kasal nang layasan ako ng asawa kong si Ben. Ang dahilan, hindi na raw niya matiis ang aking wala sa katuwirang pagkaselosa.

Tama naman po siya dahil talagang selosa ako. Tuwing dumarating siya nang dis oras ng gabi ay inaaway ko siya kahit sabihin niyang may tinapos siyang mahalagang bagay sa opisina.

Dumating sa point na ang boss na niya ang tumatawag para ipagpaalam siya na mag-o-overtime. Pero duda pa rin ako. Eh, kung magkasabwat sila ng boss niya. Walang araw na hindi kami nag-aaway na mag-asawa. Lagi kong tsinitsek ang damit ng mister ko. Inaamoy at tinitingnan kung may marka ng lipstick. Wala naman akong makitang ebidensya.

Kung minsan hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Sa laki ng takot kong ipagpalit niya ako sa aiba, kung kaya ako nagkakaganito.

May pagkakataon para mapatunayan niyang hindi siya nangangaliwa, nagbakasyon siya sa opisina at sinabi kunwari sa akin na nag-resign na siya para matigil na ang aking pagseselos.

Nang wala na siyang maintregang suweldo sa akin, inaaway ko pa rin siya. Sabi niya, hindi na niya alam kung saan siya lalagay kaya nagbalot siya at iniwan ako. Sisingsisi po ako sa aking kasalanan. Ano ang gagawin ko? Isang buwan nang hindi umuuwi ang asawa ko.

Len

Dear Len,

Isang mahalagang leksiyon ang itinuturo sa’yo ng asawa mo, ito ay ang tanggalin ang wala sa lugar na pagseselos.

Dahil kung hindi mistulang lason ito na unti-unting kumikitil sa relasyon ng mag-asawa. Kaya matauhan ka na sana at kumilos na, alamin mo kung nasaan siya at puntahan mo para humingi ng tawad.

Sa totoo lang, mapalad ka dahil masipag ang iyong asawa sa pagtatrabaho. Huwag mong hayaang mawasak ang inyong pagsasama dahil lamang sa walang batayang pagseselos.

Dr. Love
 

Show comments