Dear Dr. Love,
Ako po si Neri, 21 taon gulang at nasa college na. Nung nasa junior high pa lang kami ng jowa kong si Ayesha, napagkasunduan na naming kumuha ng medicine.
Plano namin na kapag kami’y mag-asawa na ay magtatayo kami ng klinika.
Pero ayaw ng father ko dahil isa siyang civil engineer at gusto niyang sumunod ako sa yapak niya.
Nang sabihin ko ito sa girlfriend ko ay sinabi niyang masisira ang plano namin.
Sabi pa niya, kung susunod ako sa tatay ko ay mag-break na kami. Ayaw ko rin naman sa gusto ng ama ko pero kaming magkakapatid ay lumaking sunudsunuran sa kanya. Lahat kami ay gusto niyang maging tulad niya.
Sabi niya, kung hindi siya ang masusunod, bahala ako sa matrikula. Mabigat ang pahayag ng ama ko dahil saan ako kukuha ng perang pang-matrikula?
Kung tutuusin, kaya ko rin ang civil engineering dahil mahusay ako sa math. Pero may nabuo na kaming balak ng girlfriend ko.
Ano ang gagawin ko?
Neri
Dear Neri,
Pakiusapan mong mabuti ang father mo dahil ang tungkulin lang niya ay magpayo sa anak at hindi pumili ng kurso para rito. Future mo ang nakataya kaya naniniwala akong pagbibigyan ka niya.
Kung ayaw pa rin niya at igigiit ang gusto para sa iyo, si Ayesha naman ang pakiusapan mo. Ipaliwanag mo na hindi mo kayang tustusan ang matrikula mo kapag medicine ang iyong kurso. Mauunawaan ka niya kung mahal ka niya.
Dr. Love