Dear Dr. Love,
Inakala kong napakayaman ng boyfriend ko pero nang maging kami, mahirap din pala siya na katulad ko.
Nagmahalan kami at sumumpang hindi magtataksil sa isa’t isa. Pero naririnig ko sa kanya lagi ang masidhing pagnanasang yumaman.
Hindi ko akalain na kahit ano ay gagawin niya maabot lang ang pangarap. Nakipagrelasyon siya sa isang transgender na milyonaryo. Mahal siya ng naturang bakla at sinamantala niya ito.
Sinabi niya sa akin na para sa aming future, papatol siya rito. Aniya may terminal cervical cancer ito at kapag namatay ay mamanahin niya ang kayamanan nito.
Hindi ako pumayag pero siya rin ang nasunod. Ngayon ngang wala na ang bakla, minana niya ang 50 percent ng yaman nito at ang kalahati ay ipinamana sa mga kapatid nito. Binabalikan niya ako at niyayayang magpakasal.
Tatanggapin ko pa ba siya?
Sweet
Dear Sweet,
Ako ay may prinsipyo bilang Kristiyano at kung nasa katayuan mo ako, hindi na ako papayag dahil magiging kasapakat niya ako sa mali. Hindi ito makalulugod sa Diyos.
Giginhawa nga ang buhay ninyo pero mahirap maatim hanggang sa wakas ng buhay na may isang taong pinagsamantalahan, kahit pa ito ay willing victim, na dahilan ng kayamanan ninyo. Pero ikaw ang ang puwedeng magpasya kaya dingging mo ang tinig ng iyong konsensya.
Dr. Love