Kahit babaero, labs ko siya

Dear Dr. Love,

Gaga ang tawag sa akin ng mga friends ko. Ang gusto kasi nila ay hiwalayan ko na ang aking live-in partner na napaka-babaero.

Limang taon na kaming nagsasama ni Mando at may isang anak. Mabait naman siya at hindi nananakit. Hindi rin siya nagkukulang sa sustento sa amin ng aking dalawang taong gulang na anak.

Hindi kami makapagpakasal dahil hiwalay siya sa kanyang unang asawa at hindi pa annulled ang kasal. Sa loob ng isang buwan, umuuwi siya sa bahay ng ibang babae niya.

Alam kong hindi iyon katanggap-tangap sa marami at nagsisilbing malaking kapintasan ‘yun sa aming pagsasama. Kakatuwa man sa iba, sa kabila ng lahat ay talagang mahal na mahal ko siya. Tama ba ang relasyon ito?

Katrina

Dear Katrina,

Kung binata siya, ang maipapayo ko ay magpakasal kayo. Dahil naniniwala ako na hindi dapat magsama ang lalaki at babae sa iisang bubong nang hindi kasal.

Kaya mali ang relasyon ninyo dahil labag sa kalooban ng Diyos. At kung babaero siya tulad ng sinabi mo, problemang matindi  rin iyan kahit pa sa kalagayan ninyo na hindi pa kayo kasal. 

Sa relasyon kasi, mahalaga ang katapatan. Kaya ikaw na ang mag-evaluate ng situwasyon mo, lalo na sa tunay na damdamin mo para sa iyong ka-live in. 

Kung hindi mo siya talaga kayang hiwalayan dahil mahal mo nga siya, walang makahahadlang sa iyo.  Karaniwan lang na dumarating ang pagkakataon na magha-hanap ka ng atensiyon niya. Kaya ang tanong ko sa’yo hanggang kailan mo maipagsasan-tabi na marami kayong babae ng asawa mo. Ikaw lang naman ang tanging makakasagot n’yan.

Dr. Love

Show comments