Dear Dr. Love,
Ako po si Rhealyn. Sarap lang isipin at balik-balikan bago kami grumadweyt sa SHS, itong klasmeyt kong si Carl na transferee sa amin, akala ko talaga ay magiging kami.
Angas ng dating niya at lahat halos ng SHS maging grade 11 at grade 12, crush siya.
Dahil ako ang seatmate niya, marami ang naiinggit sa akin. Inaaway nga nila ako para mapansin lang sila ni Carl.
Si Carl naman ay laging sa akin nakadikit. Dahil transferee nga siya, tanong siya nang tanong sa akin.
Kung hindi nga lang siya gwapo, maiinis na ako sa kanya. Pero syempre hindi ako nagpapahalata na crush ko rin siya.
Kapag kakain sa canteen, kasama ko siya. Kapag nagre-review sa library, kasama ko rin siya.
Sinabihan ko na nga siya na makipagkaibigan naman siya sa ibang guys, nagdududa tuloy ako s akanya na baka may tiinatago siya. Hindi naman daw.
Pero minsan nag-aastang bading siya para hindi siya kausapin ng mga may crush sa kanya. Kaya tinatawanan lang namin sila.
Marami kaming happy moments ni Carl. Pero sandali ko lang pala siya makakasama. Pagkatapos namin ng SHS pupunta na raw sila ng Canada kasama ang parents niya. Nakakalungkot lang na minsan may close sa iyo pero sandali lang.
Rhealyn
Dear Rhealyn,
Huwag ka naman mag-emote masyado. Kahit naman nasa Canada na si Carl makakausap mo pa rin siya.
May social media naman. Hindi tulad nung panahon namin, kapag nag-abroad na ang isang malapit sa iyo, talagang mararamdaman mong malayo siya.
Anyway, ituloy mo lang ang communication ninyo at ng pagkakaibigan ninyo. O kung siya man ay magbago, ituring mo siyang isa sa pinakamagandang nangyari sa iyo nang ikaw ay SHS pa. Stay safe.
DR. LOVE