Dear Dr. Love,
Ako po si Jimmy, 20 anyos. Naglayas ako sa amin dahil palagi akong pinapagalitan ng father ko kahit sumusunod naman ako sa lahat ng utos niya.
Dalawa kaming magkapatid at pareho kaming lalaki. Pero mas paborito ng aking mga magulang ang kuya ko at laging ako ang inuutusaan.
Kapag nagkamali ako, sermon ang inaabot ko.
Dalawag buwan na akong namamalagi sa bahay ng katropa ko. Minsan, kinausap ako ng parents ng kaibigan ko at pinayuhang bumalik na ako sa aking pamilya.
Dr. Love, wala na akong ibang mapupuntahan dahil ayaw ko nang bumalik sa amin. Ano ang gagawin ko?
Jimmy
Dear Jimmy,
Ang magagawa mo lang ay bumalik sa sarili mong pamilya. Hindi ka ba nahihiya na nagpapakupkop ka sa iba?
Kung pinapagalitan ka ng mga magulang mo, gusto lang nila na matuto ka. Huwag mong taasan ang pride mo dahil hindi mo pa kayang magsarili.
Sikapin mong makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng trabaho. Tanawin mong utang na loob ang pagpapaaral sa iyo ng mga magulang mo.
Hala, ayusin mo na ang mga gamit mo at umuwi ka na.
Humingi ka ng sorry sa mga magulang mo at sikapin na maitama ang nagawa mong pagkakamali.
Dr. Love