Marriage for convenience
Dear Dr. Love,
Pangarap namin ng aking girlfriend na mag-migrate sa Amerika. Kapwa kami graduate ng kolehiyo at sa US namin nais bumuo ng pamilya.
Pero ilang beses na kaming sumubok na kumuha ng tourist Visa at kapwa kami bumagsak. Nawawalan na tuloy kami ng pag-asa.
Hanggang iminungkahi ng aking pinsan na US citizen na magpakasal ako sa isang US citizen for convenience. May kaibigan daw siyang babae na diborsyado na at magbabalikbayan, at papayag ito sa ganoon arrangement. Best friend daw niya ito at malaki ang utang na loob sa kanya.
Nang sabihin ko ito sa girlfriend ko, uma-yaw siya. Natatakot siya na baka tuluyan ko ang babae at hindi ko na siya balikan. Wala na akong ibang paraang maisip. Ano ang gagawin ko?
Richmond
Dear Richmond,
Mahirap ang ganyang setup dahil matalino na ang US immigration. Talagang kapag pinakasalan mo ang isang tao, obligado kayong magsama sa isang bahay upang makatiyak sila na hindi lamang drama ang pagpapa-kasal ninyo.
Kapag nagka-developan kayo, baka nga makalimutan mo na ang siyota mong iniwan sa Pinas.
Oobserbahan ang pagsasama ninyo for some years kaya maghihintay pa rin kayo nang matagal ng girlfriend mo bago ka mag-file ng divorce upang pakasalan siya.
Mas mabuti na idaan ninyo sa legal na proseso ang balak ninyong mag-migrate para walang sabit. Kung mahirapan kayo, dito na lang kayo mabuhay sa Pinas.
Mas mahirap kung kapwa kayo ma-blacklist sa US embassy at tuluyan nang mauunsiyami ang inyong pangarap.
Dr. Love
- Latest