Sagad na ang pasensiya

Dear Dr. Love,

Halos limang buwan nang nakikitira sa aming bahay ang pinsan ng mister ko.  Ni wala man lang siyang maabot na pera para pandagdag sa gastusin.

Ayokong sabihan ang mister ko, baka kasi pagmulan pa ng away naming tatlo.

Malamang pagsasabihan niya ang kanyang pinsan tungkol sa pag-ambag sa mga pangangailangan sa bahay, gaya ng pambili ng bigas.

Bukod sa walang ginagawa, mukhang inaakyat na siya ng ligaw ng mga kalalakihan sa amin.

Nakuha pa yatang kumerengkeng.

Aba, kapag uuwi ako galing sa pwesto namin sa palengke, nanonood lang siya ng TV, ni hindi man lang maglinis at mag-ayos-ayos. Kailangan pang pakiusapan.

Sinanay kasi ng mister ko na feel at home siya. Sa palagay ko, nagiging pabigat na siya sa amin.

Ni hindi niya inaasikaso ang mga anak ko na maghanda sa online class nila.

Naku, kung hindi lang siya pinsang buo ng mister ko, talagang palalayasin ko na.

Nagtitimpi pa rin ako, alang-alang sa mister. ‘Yun lamang po, sana pagpayuhan po ninyo ako bago pa ako mag-alsa boses.

Malayo rin kasi ang kanila, sa Leyte.

Binigyan ko na nga siya ng pamasahe, kaso parang ginastos lang sa data at kung sa anu-ano. Ay, buhay talaga naman.

Hindi ko na alam kung hanggang kailan pa ako makakapagpigil, hindi ko na ka-yang habaan pa ang pasensiya ko para sa pinsan ng asawa ko.

Marlyn

Dear Marlyn,

Minsan kahit pakiramdam natin ay said na ang ating pagti-timpi, kailangan pa rin natin hagilapin ang hibla ng pasensiya.

Bigyan pa rin natin ng daan ang pagmamalasakit sa isang kamag-anak.

Siguro kung nag-kabaligtad kayo ng kalagayan ng pinsan ng mister mo, ikaw naman ang mag-a-adjust. Sana nga ganun din siya sa iyong inaasahan.

Ang mabuti ay kausapin mo ng maayos ang mister mo, alam naman natin na siya ang dapat makisama.

Tiyak na mas gaganda ang inyong pagsasama kung magiging tapat ka sa kanya sa maayos na paraan at maipapaunawa sa kanya ang iyong kalooban sa pagtira niya sa poder n’yo.

DR. LOVE

Show comments