Dear Dr. Love,
Nakatakda na sana kaming magpakasal ng girlfriend kong si Naomi sa Enero ng darating na taon. Dalawang taon na kaming magkasintahan at talagang pinag-ipunan ko ito para maging magarbo.
Pero nitong mga huling linggo, napansin ko ang matinding kalungkutan sa aking kasintahan. Kapag inuungkat ko ang plano naming magpakasal ay parang umiiwas siya at iniiba ang usapan.
Hanggang isang araw, ipinatawag niya ako at mayroon daw siyang mahalagang bagay na sasabihin. Kinutuban ako at kinabahan.
Nang nagkita kami sa isang restaurant na lagi naming tagpuan, humagulgol siya at sinabing hindi siya karapatdapat sa akin. Ipinagtapat niya na ang batang limang taong gulang na ipinakilala sa akin bilang kapatid niya ay anak niya sa una niyang kasintahan. Nabigla rin ako pero mahal ko si Naomi. Sabi ko handa ko itong ituring na anak. Pero nagi-guilty raw siya sa pagsisinu-ngaling sa akin. Iginigiit niyang kalimutan ko na siya. Ano ang gagawin ko?
Lemuel
Dear Lemuel,
Kung sadyang buo ang loob mo na pakasalan siya sa kabila ng pagkakataon na may anak siya sa ibang lalaki, patunayan mo ito sa kanya. Nasa sa iyo na kung paano ka di-diskarte.
Baka nangangamba siya na magiging malupit ka sa kanyang anak kung magkatuluyan kayo. Huwag kang susuko sa paghimok sa kanya na ituloy ang inyong pagpapakasal.
I wish you all the best at sana’y makumbinsi mo si Naomi sa katapatan na iyong sinabi.
Dr. Love