Dear Dr. Love,
Ambisyon ko pong maging doktor specializing in cardiology. Pero nasira ang pangarap ko dahil sa aking kalokohan.
Tawagin mo na lang akong Reuben, 27 anyos na ngayon ay may asawa na for the past 4 years. Siya ang dahilan kung bakit nag-drop out ako sa school.
Matatapos na ako ng premed nang magtanan kami ni Loise na ikinagalit ng aking parents. Napilitan akong itanan siya dahil siya ay nabuntis ko. Akala ko, okay lang sa parents ko na ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral kahit may asawa na ako, hindi pala.
Sinabihan ako ng father ko na ginusto ko ang pag-aasawa, kaya bahala na ako sa buhay ko. Binigyan lang niya ako ng halagang Php 500 libo para magnegosyo pero ayaw na akong papag-aralin.
Fours years old na ang aming anak at ayos naman ang pera na ipinuhunan ko sa pagtatayo ng computer at smart phone shop. Una, mga second hand computers lang ang ibinibenta ko hanggang maging dealer na ako ng mga gadgets sa isang mall.
Malago na ang aking negosyo ngayon at may apat na empleyado akong katulong sa pagpapatakbo ng negosyo. Balak ko na ngang magtayo pa ng isang branch matapos sumosyo sa akin ang isa kong kaibigan.
Pero gusto kong ituloy ang aking kursong medisina. Mahal ang kursong ito at ayaw nang tumulong sa akin ng mga magulang ko. Ano ang gagawin ko?
Reuben
Dear Reuben,
Kahit tustutusan pa ng parents mo ang pag-aaral mo, mabigat na pagsabayin ang medicine course at pagnenegosyo. Kung ako ikaw, ibubuhos ko na lang ang panahon ko sa negosyo kung umuunlad ito.
Ngunit kung mas matimbang sa iyo ang pagdudoktor, kalimutan mo na ang negosyo pero malaking sakripisyo iyan dahil sa negosyo ka lang kumukuha ng ikabubuhay ng iyong pamilya.
Kaya pumili ka, negosyo o ambisyon?
Dr. Love