Nakatakda nang ikasal ang gf

Dear Dr. Love

Tawagin n’yo na lang ako Hadji, 23-anyos at may kasintahang ipinagkasundo ng mga magulang na maikasal sa lalaking hindi niya gusto.

Mahal ako ng aking girlfriend at iyan ay tahasan niyang sinabi sa akin.  Humigit-kumulang sa five years na ang aming relasyon at sabay kaming nangangarap sa magiging kinabukasan namin. Nasa college pa kami ay magkasintahan na kami at sa katunayan, noong una ay walang tutol sa aming relasyon ang kanyang mga magulang.

Nagulat na lang ako nang minsang pasikreto akong kinausap ng tatay niya.  Ang sabi, makipagkalas na raw ako sa kanyang anak dahil may napili na silang lalaking dapat n’yang maging kabiyak. Nagtanong ako kung bakit bigla ang pagbabago ng isip nila gayung noong una ay botong-boto sila sa akin. Pinagmatigasan ko na hindi ako makikipag-break sa kanilang anak at magalang akong nagpaalam.

Hindi niya sinabi ang dahilan ngunit mukhang maselan ang dahilan kung bakit ipinagkasundo nila sa iba ang kanilang kaisaisang anak na babae.  Kinausap din ako ng aking girlfriend na sana ay maunawaan ko siya sa pakikipag-break sa akin. Kahit anong pilit ko ay ayaw niyang sabihin ang dahilan. Wala na akong magawa kundi tanggapin ang aking kapalaran dahil ang girlfriend ko na ang nakipagkalas sa akin. Pero sa loob-loob ko, hindi ko ito matanggap at gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Tulungan mo po ako.

Hadji

Dear Hadji,

Masakit man ang nangyari, dapat mo itong tanggapin. Marahil, kung hindi nila gagawin ito ay may trahedyang magaganap sa kanila. Hindi ko rin alam kung ano ang rason pero we can only speculate. Hindi marahil gagawa ng bagay ang mga magulang ng girlfriend mo kung hindi ganoon kaseryoso ang implikasyon sa kanila.

Ikaw na rin ang may sabi na botong-boto ang parents ng girlfriend mo sa iyo. Tiyak ko na hindi sila sasalansan sa inyong relasyon kung walang napa-kabigat na dahilan. Ayaw marahil nilang sabihin ang dahilan dahil masyado itong personal na magdudulot sa kanila ng kahihiyan.

Kaya tanggapin mo na ito at masakit man, maghihilom din ang sugat sa katagalan. Huwag mo ring ipako ang iyong puso sa nag-iisang babae na kusa nang nakipagkalas sa iyo. Marami pang iba riyan na puwede mong ibigin kapag naghilom na ang iyong sugat.

Dr. Love

Show comments