Umiwas sa sukob, pero minalas pa rin

Dear Dr. Love,

Six years ago, nakaplano na ang pagpapakasal namin ng boyfriend ko. Pati wedding invitation ay naipagawa na at ganun din ang isusuot kong wedding gown.

Pero sa hindi inaasahan, nagtanan ang nakababata kong kapatid na lalaki. Nabuntis kasi niya ang kanyang girlfriend. May pamahiin tayong mga Pilipino na huwag magpapakasal nang magkasukob sa taon ang magkapatid.

Nobyembre nang magpakasal sila. Kaya walang problema. Tutal puwede na naming itakda ng boyfriend ko ng Enero ang kasal dahil dalawang buwan lang ang pagitan.

Ganun nga ang nangyari. Iniiwasan lang namin ang paniniwalang mamalasin kami kung ikakasal kami ng aking kapatid sa kaparehong taon.

Tatlong taon bago ako nagbuntis. Pareho naming pinananabikan ito ng asawa ko. Ngunit sa araw ng aking pagsisilang, patay na nang iluwal ko ang aking anak.

Dalawang taon kaming naghintay muli pero hindi na ako nagbuntis. Doon nagsimulang magloko ang asawa ko at dumalas ang aming pagbabangayan na nauuwi pa minsan sa sakitan.

Bakit nagkaga-non? Sumunod naman kami sa pamahiin pero minalas pa rin ang aming pagsasama. Pati nga ang kasal ng kapatid kong bunso ay humantong sa hiwalayan.

Althea

Dear Althea,

Ang maniwala sa pamahiin ay kawalan ng pananalig sa Diyos. Ni minsan, hindi sinabi ng Panginoon ang paniniwalang iyan.

Ang paniwalaan lang natin ay ang Salita ng Diyos at ang ano mang taliwas dito ay huwag nating bigyan ng puwang sa ating isip.

Madalas nga, ang maniwala sa pamahiin ay nagdudulot pa nga ng kapahamakan.

Ipanalangin mo na lang ang pagbabago ng iyong kabiyak at ipagdasal din na magkaanak kayong muli.
Dr. Love

Show comments