Dear Dr. Love,
Pleasant day to you, Dr. Love. Kung maaari, ikubli mo na lang ako sa pangalang Wina.
Iisa lang ang naging anak namin ni Willy sa loob ng pitong taong pagsasama pero hindi na nasundan kahit gustong-gusto niyang magkaroon pa kami ng dalawa pang anak.
Ideal husband ang asawa ko. Pero may isang bagay akong hindi naipagtapat sa kanya. Ang pagkakaroon ko ng malapit na kaibigang lalaki.
Elementary pa lang ay best friend ko na si Fred. Pagkatapos ng college ay lumipat siya patungong Canada.
Sa hindi inaasahan, nagbalikbayan siya. I swear na walang romantic sa relasyon namin. Nang magkita kami ay kasama ko ang aking asawa.
Kumain kami sa restaurant ng isang five star hotel.
Hind ko inaasahan na ang pagyayakapan namin ni Fred ay pagseselosan niya. Kaya pala nawalan siya ng kibo na napuna rin ni Fred.
Matagal nang nakabalik sa Canada ang friend ko pero hanggang ngayon ay malamig ang pakikitungo sa akin ng mister ko.
Ano ang gagawin ko?
Wina
Dear Wina,
Labis marahil ang pagseselos ng asawa mo dahil sa tindi ng pagyayakapan ninyong magkaibigan.
Mayroon talagang mga lalaking sobrang possesive at madaling magselos kahit wala sa katuwiran.
Ipaliwanag mong mabuti sa kanya ang dahilan ng pagiging malapit ninyo ni Fred at talagang magkaibigan lang kayo sa simula’t sapul.
At ngayong magkalayo na kayo ni Fred, wala na siyang dapat pagselosan pa.
Basta’t iwasan mo na lang ang pakikipagtalastasan kay Fred kahit sa social media o sa tinatawag na snail mail.
Sa ganyang paraan ay makukumbinsi rin ang iyong mister na talagang walang namamagitang romantikong ugnayan sa inyong dalawa ng iyong best friend.
Tandaan mo na laging prayoridad ang pamilya at dapat iwasan ang mga bagay na makasisira rito.
Naniniwala ako na magagawa mong maibalik ang seguridad ng iyong asawa sa inyong pagsasama. Dahil hindi ka naman nagtaksil sa kanya.
Dr. Love