Ilang beses dapat magpatawad?
Dear Dr. Love
Labing dalawang taon na kaming mag-asawa ni Raymond. Matapos ang unang pitong taon ng aming pagsasama, nagkaroon siya ng babae. Isang taon niyang inilihim ‘yun sa akin.
Natuklasan ko lang ito nang maiwan niya sa bahay ang kanyang cellphone. Hindi ko ugaling basahin ang mga text messages niya pero nagkataong tumunog ito. Baka importante ang message kaya binasa ko.
Nanlumo ako nang malamang ko na galing ito sa other woman niya. Nang tanungin ko siya, sinabi niyang baka na-wrong sent lang.
Nagsimula na akong subaybayan ang mga kilos niya sa tulong ng pinsan ko na may sariling sasakyan. Kitang kita namin nang pumasok sa isang motel ang kotse ng mister ko na may kasamang babae.
Nang sitahin ko siya, hindi na siya nakapagkaila. Humingi siya ng tawad at bigyan ko raw ng isa pang pagkakataon. Hindi na raw siya uulit. Pinatawad ko siya.
Ngunit makalipas lang ang sampung buwan ay nagkaroon na naman siya ng babae. Nang mabuking ko ito, humihingi na naman siya ng tawad.
Pero dalang-dala na ako. Naglayas ako at umuwi sa aking mga magulang sa Bulacan. Sabi ng mga parents ko, patawarin ko raw siya.
Ano ang maipapayo mo sa akin?
Aleli
Dear Aleli,
Dakila ang magpatawad tulad ng pagpapatawad sa atin ng Panginoon sa tuwing nalilihis tayo ng landas.
Patawarin mo siya kasabay ng pagsusuri mo sa iyong sarili kung ano ang iyong pagkukulang. Baka nagkukulang ka ng lambing at pangangalaga sa kanya kaya humahanap siya ng ibang kandungan?
Iyan ay bagay na puwede ninyong pag-usapan. Tanungin mo siya kung ano ang mga pagkukulang mo na hinahanap niya sa ibang babae. Kapag nalaman mo, sikapin mong punan ang mga kakulangang iyan.
Habang bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan ninyo, walang problemang hindi puwedeng malutas.
Dr. Love
- Latest