Dear Dr. Love,
Elsa na lang ang itawag ninyo sa akin. Wala akong maisip na paraan para makabayad ng upa sa bahay, bukod pa ang sa kuryente at tubig. Hanggang ngayon ay wala pang regular na trabaho ang mister ko, kaya wala ring regular na mapagkukunan para sa mga bayarin at pang-araw-araw na pangangailangan namin.
May pinapasukan siya, pa-extra-extra lang. Kapag walang pasok, walang kita. Kahit ‘yung mga naitabi ko noon ay naipanggastos na namin. Delivery driver ang mister ko, kadalasan natitigil ang transactions ng company kapag na-delay din ang dating ng mga goods galing sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Dr. Love, ang tanging naisip kong paraan ay mangutang. Lumapit ako sa aming kumpare. Bagay na minasama ng mister ko. Nakautang ako ng 50k at naresulba ang mga patong-patong naming bayarin.
Pero magkabilang sampal ang inabot ko sa aking asawa, na galit na galit sa ginawa kong pangungutang. Ang akala niya ay nakikipagmabutihan na ako kay kumpare, bagay na ni sa hinagap ay hindi ko naisip.
Balak ng asawa ko na sugurin si kumpare, hindi ko tuloy malaman kung paano ang gagawin. Sobrang nakakahiya lang kay kumpare lalo na sa kanyang asawa. Kami na ang lumapit para makahiram ng malaking halaga, mapapasama pa ang nagpahiram.
Biruin mo, Dr. Love ang sabi pa ni kumpare, ibalik na lang kapag nakaluwag na. Nakakainis lang, nagmamatigas ang mister ko. Bahala raw akong magbayad sa inutang ko.
Elsa
Dear Elsa,
Marahil nasaling ang ego ng iyong mister. Bigyan mo muna siya ng ilang araw para mahimasmasan. Maaaring gaya mo ay sinisikap din niyang maghanap ng paraan para maitawid ang inyong mga bayarin, tapos biglang bumungad sa kanya na sa inyong kumpare ka nanghiram.
Sikapin mo na maging mahinahon at pilitin na maging maunawain, pero sa kabila nito ay maging malambing ka pa rin sa iyong asawa. Hindi naman makakatulong sa inyo kung lagi na lang kayong mag-aaway. Konting tiis pa.
Humanap ka ng mas mainam na paraan para kumita ng marangal.
Maigi na ang kita kahit maliit pero tuloy-tuloy, kaysa mangutang. Para naman kay mister mo, subok lang nang subok kung saan pwede makapasok ng trabaho at huwag mawawalan ng pag-asa, pasasaan ba at makakaraos din kayo.
DR. LOVE