Namihasa sa hingi, bisyo

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Janel.  Lagi kong pinagtatakan ang mga kalokohan ng mister ko. Ayaw ko kasing may masabing hindi maganda ang biyenan ko sa akin na pinababayaan ko lang ang mister ko.

Ang totoo, nagsasawa na nga ako kakapaalala sa kanya na tigilan na ang pag-inom at sasabayan pa ng pagtaya sa OTB. Nauubos tuloy ang kinita niya sa pamamasada sa maghapon.

Binili na nga siya ng ate niya ng e-bike na pampasahero. Para matulungan kami sa pang araw-araw naming gastos. Hingi siya nang hingi sa ate niya kaya binili na siya nito ng magagamit pampasada.

Kaso madalas nadadaanan ko siya sa tayaan ng OTB. Ok na nga sana kung taya-taya lang, may kasama pang-inuman. Kapag pinauuwi ko, nagagalit siya kaya hindi ko na lang pinapansin. Nagsisinungaling pa siya na matalo-manalo, laging bukang-bibig niya, talo siya  kaya hindi nag-aabot ng pandagdag sa gastusin.

Wala naman akong hanapbuhay. Nag-aaral pa ang mga anak namin. Lahat nga tinitiis ko, Dr. Love.  Ayokong ring nagsusumbong sa biyenan ko, tiyak na aawayin siya nun.

Janel

Dear Janel,

Hindi natin maipipilit sa tao na gawin ang ayaw niya. Pero mainam na lagi mong ipapaliwanag sa kanya ang halaga ng mga bagay na dapat ginagawa niya bilang tatay at dapat iwasan para sa ikabubuti ng inyong pamilya.  Huwag mo siyang aawayin. Kahit madalas nagiging defensive siya.

Para sa mga mister na tulad ng mister ni Janel, ingat-ingat lang dahil walang magmamalasakit sa pamilya mo kundi kayo mismo.

Umasa tayo sa pagsisikap at sa awa ng Diyos, hindi sa sugal. Nakakahiya sa mga kamag-anak na gusto tayong tulungan pero inaabuso pa natin o binabalewala.

DR. LOVE

Show comments