Dahil sa utang

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Eden. Wala akong maisip na paraan para makabayad ng upa sa bahay, sa ilaw at sa tubig. Hindi pa sumasahod ang mister ko.

Nade-delay ang kanilang sahod epekto ng nakaraang mga lockdowns. Kahit ‘yung mga naitatabi ko noon ay naipanggastos ko na. Delivery driver ang mister ko, kadalasan natitigil ang transactions ng company kapag na-delay din ang dating ng mga goods galing sa Davao at galing sa ibang bansa.

Madalas palitan lamang sila kung pumasok kaya kapos ang budget namin. Inaamin kong mali ako dahil kinausap ko ang kumpare namin. Sa kanya ako nangutang ng 60k dahil nahihiya ako sa iba, lalo na kung makarating pa sa biyenan ko.

Hindi ko alam na mamasamain pala ng mister ko ang ginawa kong pangungutang. Inakala niyang madalas akong nakikipagkita kay kumpare. Pilit kong pinauunawa sa kanya na gusto ko lang makabayad kami sa upa at sa iba pang bayarin.

Sinampal niya ako at gustong awayin si kumpare. Mabuti na lang naikwento ni kumpare sa kanyang asawa na nangutang ako sa kanya.

Nakakahiya tuloy sa mag-asawa pati sila naabala dahil sa amin. Sa totoo lang, hindi ko pa alam kung mababayaran ko sila sa inutang ko.

Sinabihan naman ako ni kumpare na kung may maiaabot ako o wala ay okay lang naman. Dalawang buwan na, hindi pa ako nakakapag-aabot sa kanila. Ang nakakainis, nagmamatigas ang mister ko na ako raw ang nangutang, kaya ako raw ang humanap ng paraan para makabayad.

Eden

Dear Eden,

Nauunawaan ko ang kalagayan ninyo. Hindi natin masisisi ang mister mo dahil malamang siya rin ay nag-iisip kung paano kayo makakaahon sa hirap, lalo na may araw na wala siyang kita.

Hindi naman makakatulong sa inyo kung lagi na lang kayong mag-aaway. Konting tiis pa. Humanap ka ng mas mainam na paraan para kumita kayo ng pera, kaysa sa ma-ngutang nang mangutang. Lalo lang kayo mababaon sa utang kapag ganyan.

Subukan mong maghanap ng mapapasukang trabaho o kaya’y i-try ang online selling.

DR. LOVE

Show comments