Dear Dr. Love,
Kami ni Raymond ay kasal sa Huwes. Dalawang taon din kaming nagsama pero nauwi sa hiwalayan dahil ubod siya ng seloso. Nagkaroon kami ng isang anak na lalaki na ngayo’y isang taong gulang na.
Nagpatangay siya sa tsismis na ako ay may lalaki, na hindi naman totoo. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ginampanan ko ang aking tungkulin bilang maybahay.
Pero pinaghinalaan niya akong na may lalaki at kahit anong paliwanag ko ay ayaw niyang maniwala. Nilayasan niya ako at mahigit isang taon siyang hindi nagparamdam. Napilitan akong mamasukan dahil nakatapos din naman ako ng college.
Iniiwan ko sa aking pinsan ang aking anak habang ako ay nagtatrabaho. Lumipas pa ang ilang araw at isang araw ng Linggo ay nagulat ako nang dalawin niya ako sa aming tahanan.
Humihingi siya ng tawad at kinikilala ang kanyang kamalian. Nangako siyang hindi na magseselos ng walang katibayan. Sabi ko, pag-iisipan ko muna ito. Sa palagay mo, dapat ko pa siyang patawarin?
Miles
Dear Miles,
Oo naman. Patawarin mo siya at bigyan ng pagkakataon. Kasal kayo kahit civil wedding lang at mayroon kayong anak.
Kausapin mo siya at ibigay ang hinihingi niyang kapatawaran. Mangako kamo siyang magpapakatino na at hindi na basta-basta maniniwala sa mga tsismis na nakakawasak ng relasyon.
Hindi mainam ang broken family. Ang unang unang apektado ay ang anak na wala namang kasalanan sa mga pangyayari.
Dr. Love