Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Sofia, 21 anyos at dalawang taon nang kasal sa lalaking hindi ko gusto.
Hindi ako nakapagtapos sa kursong masscom dahil nakipagtanan ako sa asawa ko ngayon. Biglaan ang mga pangyayari.
Lagi kasi akong pinagagalitan ng aking mga magulang sa pagiging gimikera ko. Masaya ako kapag kasama ng aking tropa sa mga gigs at ibang kasayahan.
Minsan ay sinampal ako ng aking daddy dahil alas-dos na ng madaling araw ako umuwi. Dahil doon ay nagrebelde ang damdamin ko. Sinagot ko ang isa kong manliligaw kahit hindi ko mahal at nakipagtanan ako sa kanya.
Napilitan ang aking parents na ipakasal kami ng lalaking nagtanan sa akin. Pero sa aming pagsasama, diring-diri ako na maki-pagtalik sa kanya. Madalas nagdadahilan na lang ako na masakit ang ulo ko.
Dahil dito ay natuto siyang mambabae. Wala naman akong nadaramang pagseselos dahil hindi ko siya mahal. Gusto kong hiwalayan ang asawa ko.
May ground ba para ma-annul ang kasal namin?
Sofia
Dear Sofia,
Magtanong ka sa abogado dahil hindi ako expert diyan.
Pero pwede marahil gawing dahilan ang kanyang pangangaliwa bagamat ito ay dahil sa iyong pagiging malamig sa kanya.
Mag-usap kayo at sabihin mo ang tunay mong damdamin sa kanya.
Pwedeng siya ang mag-initiate ng annulment at ang matibay niyang dahilan ay ang pagtanggi mong makipagtalik sa kanya.
Tutal ay ibig mo na siyang hiwalayan, ikaw na ang umako ng dahilan para maaprubahan ang inyong annulment.
Dr. Love