Magtulungan, kaysa mag-away
Dear Dr. Love,
Ako po si Marites, ngayong namatay na ang biyenan kong babae malakas na ang loob ng bayaw kong awayin ang mister ko.
Gusto niya kaming paalisin sa bahay na tinitirhan namin. Pinatira kami ng aking biyenan para nga makatipid kami, kaysa umupa kami.
Mainam pa sa parte namin dahil nakapag-aabot kami ng kahit konti sa biyenan ko. Matagal nang nanggigil ang bayaw ko na paalisin kami. Gusto niya kasing gawing tindahan ang aming tinitirhan.
Lagi na lang sila nag-aaway ng mister ko. Minsan, gusto ko nang lumipat para maging tahimik ang aming buhay.
Libre nga ang bahay pero ang baba naman ng tingin niya sa amin. Sinasabihan ko na lang ang mister ko na huwag nang patulan ang kapatid niya. Pati ang mga bata ay nadadamay.
Ayaw ko naman lumapit sa barangay dahil kami ang nakikitira. Kaya baka mas kampihan sila ng barangay.
Ngayong pandemic, mahirap lumipat ng bahay. Inaalala ko rin ang kalagayan ng mga bata.
Maraming salamat po, gusto ko lang po talaga maibsan ang sakit ng kalooban ko.
Marites
Dear Marites,
Una, kailangan mag-usap ng maayos ang magkapatid. Kung may karapatan ang bayaw mo sa kanilang bahay, mayroon din karapatan ang mister mo. Hindi nila madadaan sa dahas ang inyong problema.
Mainam na humingi ka muna ng advice sa barangay o sa legal advicers.
Saka ninyo kausapin ang bayaw mo. Kung anuman ang kanilang mapagkasunduan, ‘yun ang kanilang susundin.
Sa panahon nga-yon, mainam na magtulungan kaysa ang mag-away sa mga bagay na pwede namang pagkasunduan.
Para na rin sa mga mag-asawa o mag-aasawa pa lang, magpundar kayo ng sarili ninyong tirahan. Para na rin sa maayos at mapayapang tahanan.
DR. LOVE
- Latest