Huwag magpaabuso sa pagtulong

Dear Dr. Love,

Ako po si Tam. Hindi naman sa ayaw kong nakikialam ang mga kamag-anak ng mister ko sa buhay namin. Lagi na lang ako ang nasisisi ng mister ko dahil hindi ko raw iniintindi ang mga padala niya para sa kanila.

Ayoko sanang nag-aayaw kami dahil sa mga ibinibigay ng mister ko. Kasalanan ko ba na minsan nade-delay ang padala niya? Sila na itong nakikisuyo, sila pa ang galit.

Pati ang mister ko, akala niya nagdadamot ako sa kanila dahil sa mga sumbong nila.

Hindi naman laging malaki ang padala ng mister ko. Sana po ay maintindihan din nila na hindi naman pinupulot lang ng mister ko ang mga padala niya sa kanila.

Noon ni hindi nila kami kinikibo dahil walang wala kami. Hindi nila alam kung anong hirap ang dinanas namin. Pero ngayon, parang may pinatago pa nga.

Hindi ko sila minamata,  alam ko naman po na nagtitipid at kumakayod ng matindi ang msiter ko, hindi lang para  a amin, kundi pati na rin sa mga kamag-anak niya.

Tam

Dear Tam,

Kung tutuusin hindi na ninyo priority ang mga kamag-anak ng mister mo.  Ang tulong ninyo sa kanila ay hindi ninyo obligasyon. Pwede kang tumanggi kung talagang wala kang maibibigay.

Pag-usapan n’yo ’yan ng mister mo. Siya ang dapat na magpaliwanag nito sa kanila.

Kung gusto mong tumulong, ang pinakaunang tulungan mo ay ang iyong biyenan kung talagang walang wala sila. Ang mga kapatid ng mister mo, lalo na kapag may asawa na ay hindi mo na priority. Kung wala, sorry muna.

Tinggan mo na lang na kaya sila lumalapit sa inyo dahil alam nila na may maitutulong kayo. Ipagdasal mo ang mister mo na hindi magkasakit. Kasama mo ako sa panalangin para sa mas masayang pagsasama ninyong mag-anak.

DR. LOVE

Show comments