Dear Dr. Love,
Hindi ko alam kung ako ang may problema o dahil sa pangako ng biyenan ko na kukunin niya kami at dadalhin sa ibang bansa. Nasa California ang biyenan ko, pinitisyon din siya ng hipag ko.
Matagal na silang nakatira roon. Mabait sila sa amin, syempre sa kanyang anak at mga apo.
Halos wala na kaming kailangang bilhin para sa buong taon naming supply ng mga groceries at mga gamit. Kahit nga mga gadgets naaambunan kami ng pamilya ko. Wala rin kaming problema sa pera dahil nagpapadala ng dollars ang biyenan ko sa aking asawa para sa mga ginagastos namin.
Alam naman ng misis kong wala akong tinapos na pag-aaral, hanggang high school lang ako. Malaki ang kumpiyansa namin ng asawa ko dahil laging nakasuporta ang biyenan ko sa amin. Pati nga ang pag-aaral ng aming anak ay wala na rin akong pinoproblema.
Dalawang taon na lang malapit na raw ang aming petisyon. Pero nagkasakit ang aking biyenan. Baka hindi na raw abutin ng dalawang taon. Dahil dito, medyo humina at kumonti ang padala niya sa amin.
Kinukuha pala niya ang ipinadadala niya sa kanyang sideline roon. Nagbabantay siya ng bahay ng kanilang mga kaibigan doon at minsan pinag-aalaga ng bata. Kaya kumikita pa rin siya. Nitong nagkasakit siya, hindi niya naasikaso ang kanyang mga padala.
Mabait din naman ang aking hipag. Pero mas priority niya ang kanyang pamilya roon. Malaki rin ang gastos doon kaysa rito sa Pinas.
Ang kinakatakot ko kung iwanan na kami ng biyenan ko, paano ko ipagpapatuloy ang saganang tulong niya sa amin? Baka hanaphanapin ng pamilya ko ang magandang buhay.
Manuel
Dear Manuel,
Una, pasalamat ka sa biyenan mo. Wala namang problema kung mawala ang biyenan mo. Ang mahirap ay ang umasa ka na lang sa kanya. Kaya naman mabuhay ng maayos ang pamilya mo kung magsisipag ka. Mas mainam na maipamulat mo rin sa mga anak mo na huwag umasang mapepetisyon kayo. Kung matupad, mas mabuti. Pero huwag ninyong pagtuunan ng pansin ang pangako ng biyenan mo. Lalo ngayong pahirapan ang paglakad ng papeles sa ibang bansa. Dumagdag pa ang isyu ng covid.
Ang mahalaga ay natulungan kayo ng bi-yenan mo nung malakas pa siya. Ipagdasal ninyo na humaba pa ang kanyang buhay. Hindi lang sa kanya nakasalalay ang future ninyo, samahan mo rin ng sipag at tiyaga.
DR. LOVE