Pinaglalaruan lang kaya ako?

Dear Dr. Love,

Ako po si Armand, 20 anyos at single. Matagal ko nang nililigawan si Amy. Bago pa sumulpot ang pandemic ay magkasama kami sa  isang kompanya. May gusto ako sa kanya pero may pagkamahiyain akong manligaw.

Naaawa sa akin ang mga friend ko, kaya tinulungan nila ako. Sinabi nila kay Amy na may gusto ako sa kanya. Si Amy ay mo-derno, maganda at alam kong maraming manliligaw.

Nang mabatid niya na malaki ang tama ko sa kanya, madalas kapag nagkakasalubong ang aming mga mata sa office ay kinikindatan niya ako at nginingitian.

Para naman akong nasa cloud-9 kapag ginagawa niya ito. Naglakas-loob ako na daanin sa sulat ang pagtatapat ko sa kanya. Nag-iwan ako sa ibabaw ng kanyang desk ng sulat na may kasamang red rose na nagsasabing “Amy, I love you.”

Kinabukasan, may card akong nakita sa ibabaw ng aking desk. Ang nakasulat lang ay “Hi Armand,” at may drawing ng puso sa dulo ng kanyang pangalan. Natuwa ako pero hindi ko matiyak kung ano ang ibig niyang sabihin dahil wala namang direktang sinabi kung mahal din niya ako.

Nang dumating siya sa office na wala pa ang ibang kasamahan namin. Tinanong ko siya kung mahal niya ako sabay pagpapakita sa ipinadala niyang card. Ang sagot niya ay “masyado ka namang assuming.” Tapos noon ay hindi niya ako kinibo sa buong araw.

Pero kinabukasan, nginitian niya at kinindatan akong muli. Hindi kaya pinaglalaruan lang ni Amy ang puso ko?

Armand

Dear Armand,

Palagay ko, mahal ka rin ni Amy at medyo nagpapakipot lang. ‘Yung card na ipinadala niya sa iyo na may puso bilang tugon sa iyong love letter ay palatandaan na gusto ka rin niya.

Huwag kang torpe at agad mawalan ng pag-asa. Talagang may mga babaeng pakipot. Basta’t ituloy mo lang nang may tiyaga ang panliligaw. Yayain mo siyang mag-snacks during break time.

Pakawalan mo ang iyong nadarama para sa kanya sa pamamagitan ng salita para matanim sa puso niya na mahal mo siya.

Dr. Love

Show comments