Hiwalay na kami

Dear Dr. Love,

Hi po, tawagin mo na lang akong Veza. Please pray for me, parang hindi ko pa rin matanggap. Hiwalay na po kami ng asawa ako. Kakabasa ko ng kolum mo, inakala ko na hindi mangyayari sa akin ang mga love problem.

Ngayon, eto ako naghahanap ng makakausap at mahihingahan ng advice sa problema ko. Merong 3rd party si mister, hindi ko nga alam kung paano niya ako nalulusutan. Tiwala akong naghahanapbuhay siya at nag-stay in lang dahil sa lockdown. Eh, may nagsabi na 1 year na raw po sila at may room na inuupahan para sa kanilang dalawa. Kaya ang uwi sa akin ay Sabado at Linggo. Ayos, parang ako ang kabet.

Nagparaya na po ako, at iyon din po ang desisyon niya. Nag-usap na kami at ako na lang ang magsasabi sa aming mga anak. Mabuti at malalaki na sila at hindi ko na masyadong intindihin. ‘Yun din ang sabi nila sa’kin, na mainam na huwag ko nang pabalikin ang kanilang ama. Nakakalungkot pero ilang beses na kasi niyang ginagawa ang ganun sa akin. Sabi ko nga, hindi na kami mga bata.

Apektado po ako. Nagtiwala ako na hindi na n’ya uulitin, pero tuloy pa rin pala siya sa hilig niya. Masakit! Tina-try ko pong kayanin. Gusto ko nga siyang ipakulong dahil kasal kami. Pero madalas natitigilan ako at napapaisip.

Kahit bumalik siya sa’kin, malamang na uulitin lang niya ang ginagawa niya. Kaya nagpaubaya na ako. Bahala na siya sa buhay niya.

Hopefully po ay maka-recover ako agad. Andito po lahat ng mga anak at apo sa’kin ngayon. Tapos na rin po akong magwala, kaya nailabas ko na lahat.

Pero ‘di nawawala ‘yung bigla na lang na maiisip ko s’ya. Natutulala tuloy ako, kainis. Ganito po ba talaga?

Veza

Dear Veza,

Makinig ka, huwag kang padala sa sitwasyon mo, be strong. Marami ka pang pwedeng magawa sa buhay mo.

May misyon ka na alagaan ang mga apo mo. Tama na hinayaan mo na siya.

Basta huwag mong pahirapan ang sarili mo. Siya ang may problema, hindi ikaw. Huwag kang papaapekto. I-focus mo ang sarili mo sa mabubu-ting bagay.

Tama, kung kasal kayo, pwede mo siyang ipakulong, adultery. Sabihan mo ang mga anak mo na tulungan ka. Ikaw ang magpakita ng katatagan.

Tandaan mo, siya ang may problema, hindi ikaw. Sorry na lang siya at huwag ka ng maghanap ng ipupokpok sa ulo mo, alam mo na. Paalala lang, kasi maganda ka at lapitin ka ng guys. Sige marami pang tao ang nagmamahal sa iyo.

DR. LOVE

Show comments