Dear Dr. Love,
Ako po si Zaldy. Hindi ko alam kung paano patatawarin ang kuya ko. Halos lahat ay inangkin na niya. Inagaw niya ang atensyon ng aking mga magulang. Siya ang pinag-aral hanggang kolehiyo at siya rin ang nakatapos.
Alam kong may pagkukulang din ako ngunit bakit hindi nila ako maunawaan.
Simula ng kami ay bata pa, siya na lang ng siya ang magaling at matalino. Kasalanan ko ba na mahina ang aking kokote? Pati ang respeto, kahit respeto na lang ang hangad ko, pero pinagkait pa rin nila sa akin.
Ang masakit, ang nag-iisang minamahal ko ay inagaw pa rin niya sa akin. Ang kababata namin na nag-iisang tumanggap sa akin ay pinatos pa niya.
Pilit kong iniiwas siya sa aking kuya pero mahusay mambola ang kapatid ko. Ginamit niya ang kanyang kakayahan, pera at talino.
Kapag nakikita ko sila na sasakay sa kanyang kotse at magkasama sa aming bahay ay sumisikip ang dibdib ko. Umaalis na lang ako para hindi sumama ng sobra ang loob ko.
Malamang kapag mag-asawa na sila ay wala na akong lugar sa amin.
Gusto ko na sanang lumayas pero wala naman akong maipagmamalaki sa kanila. Oo, may trabaho rin ako pero maliit lang ang kita.
Bakit ganoon sila? Ayoko rin naman na magkaganito ang aking buhay. Hindi naman ako ganoon kasama. Wala akong inaargabyado at nagdarasal din naman ako. Alak lang naman ang bisyo at hindi naman ako nagdodroga.
Malamang kapag namatay ang mga magulang ko, wala akong mapapala at lahat malamang sa kuya ko mapupunta. Hindi ko alam kung mapapatawad ko pa sila.
Zaldy
Dear Zaldy,
Hanggang kailan mo matitiis ang paghihirap ng iyong dibdib? Hangga’t nasa isip mo ang galit ay hindi ka matatahimik, hindi mapapayapa ang iyong sarili.
Bakit hindi mo subukang makipagkasundo? Ang buhay ay hindi tungkol sa kung ano ang mayroon tayo o wala, ang mahalaga tayo ay nabubuhay ng marangal.
Kung nagkakamali man sila sa iyo, sila ang mananagot sa kanilang ginagawa. Hindi tayo laging bata. Huwag mong saya-ngin ang mga pagkakataong mapaha-lagahan mo ang iyong ugnayan sa iyong mga magulang at sa iyong kapatid.
Darating din ang babaeng nakalaan para sa’yo. Huwag ka mawalan ng pag-asa.
DR. LOVE