Dear Dr. Love,
Hindi ko alam ang aking gagawin. Nabyudo ako sa aking asawa dahil sa sakit niyang breast cancer. May dalawa kaming anak.
Ang nag-alaga sa mga bata ay ang hipag kong dalaga. Mas may edad siya sa misis ko. Kahit buhay pa si misis, ang ate na niya ang nag-aasikaso sa amin.
Lingid sa kaalaman ng misis ko, may lihim na pagtatangi ako sa kapatid niya. Nagsimula lang naman ito dahil sa sobrang malasakit ng hipag ko sa amin.
Lalo na nang mamatay ang misis ko. Ipinakita niya na hindi niya kami pababayaan. Hanggang sa nailibing ang misis ko. Ngayon kasama pa rin namin ang kapatid niya sa bahay. Nagtapat ako sa kanya at mayroon din pala siyang nararamdaman sa akin.
Gusto ko sanang ituloy ang aming pagmamahalan kaso nahihiya ako sa biyenan ko at sa mga anak namin ng misis ko. Pero biyudo ako, kaya pwede nang mag-asawang muli, tama po ba? Pero parang napipigilan ako kung paano ito tatanggapin ng aming mga kapamilya.
Poldo
Dear Poldo,
Kung wala naman siyang asawa at biyudo ka, walang namang problemang legal sa kaso ninyo. ‘Yun lang, kamamatay lang ng misis mo. Mainam na bigyan mo pa ng panahon para maging maayos ang lahat.
Minsan, hindi natin mapipigilan ang damdamin pero dapat nasa lugar. Mayroon din tayong social responsibility sa mga taong nakapaligid sa atin.
Malalaman mo rin naman kung tanggap na ng mga kamag-anak ninyo ang tungkol sa inyo ng hipag mo.
DR. LOVE