Pareho nang naging kapalaran

Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lang po akong Kendric, taga-Gagalangin Tondo. Alam po ninyo kahit sa online inaabangan ko ang mga love issues ng column ninyo. May nabasa akong tungkol sa mag-boyfriend na nag-take ng board exam, tapos ‘yung guy hindi nakapasa. Hindi niya matanggap.

Ganun din pala ang mangyayari sa akin. Nag-take kami ng gf ko ng exam, entrance exam ito sa PLM noong nakaraang taon.  Nangyari ang hindi ko inaasahan, bagsak ako! Hanggang ngayon tinatanong ko kung bakit? Nag-review naman kami ng gf ko. Bakit siya pumasa, pero ako hindi?

Ngayon, ako naman ang hindi makatanggap ng katotohanan. Marami kaming plano ng gf ko. Ok lang naman sana, kaso nanghihinayang ako sa ilang taon na magkakahiwalay kami ng school.  Sabi ng mama ko, may reconsideration daw. Paano kung wala?

Sayang talaga. Mahina kasi ang loob ko. Lalo tuloy akong pinanghihinaan ng loob kapag hindi ko naa-achieve ang hinahangad ko.

Ang girlfriend ko, nangako naman na kahit hindi kami magkakasama ng matagal, hindi raw ako mawawala sa mga plano niya sa buhay. Dahil naka-fix na sa isip niya na kami ang magiging magkatuwang sa hinaharap para bumuo ng sarili naming pamilya.

Natutuwa nga ako sa kanya dahil sobrang positive niya, hindi tulad ko. Mauubos agad ang pagiging positive ko kapag may mga pagsubok na, tulad nito.

Tinatawanan ko pa nga ‘yung guy habang binabasa ko ang nangyari sa kanya. Tapos, eto ako, mangyayari rin pala sa akin ang ganitong sitwasyon. Pagpayuhan po ninyo ako.

Maraming salamat.

Kendric

Dear Kendric,

Salamat din sa i­binahagi mo. Huwag kang masyadong malungkot sa nangyari sa iyo. Hindi lang naman ikaw ang hindi nakapasa sa PLM. Marami kayo. Sa rami nang nag-exam eh talagang hindi kakayanin lahat na makapasa. May limit sila. ‘Yun lang nakasama ka sa hindi umabot sa average score.

Para matanggal ang pagiging negative thinker mo, may trivia ako sa iyo. Alam mo ba na ang pa­ngalan mong Kendric ay nanga­ngahulugan na “cham­pion”. O, sa pangalan mo palang bawing-bawi ka na. Hindi ka raw laging bigo, isa kang winner!

There’s more, isa pang kahulugan ng pangalan mo ay “comeback,” na ang ibig sabihin kung may kabiguan ka ngayon, pwedeng maibalik ang dati mong sigla.

Kasama sa buhay ‘yan, iho. Ang bawat pagsubok ay nagsasabi sa atin na may biyaya kang matatanggap sa Diyos. Ang maging matatag sa buhay!

DR. LOVE

 

 

Show comments