Dear Dr. Love,
Mahirap po itong kalagayan naming ngayon. Wala akong pasok at si misis naman naglalako ng pandesal tuwing umaga. Ilang araw na rin po na rito lang kami sa bahay.
Wala naman akong makuhang sideline dahil nga naka-quarantine ang lahat pati nga sa palengke may oras lang.
Construction worker po ako. Hindi po tulad ng regular na empleyado na may sweldo kahit walang pasok. Nauubos na po ang naipon namin ni misis, hindi ko alam kung paano na ang pamilya ko. Mabuti na lang si misis madiskarte, nangutang sa kapitbahay namin na may paupahan.
Matumal din ang bumibili ng pandesal dahil tanghali na magsigising ang mga tao. Minsan inuuwi na lang niya ang mga tira niyang pandesal. Mabuti na lang mabait ang kanyang amo. Dinaragdagan ang kumisyon niya. Eh, maliliit pa po ang mga anak namin. Tinatapat ko sila sa araw tuwing umaga para lumakas ang resistensiya. Dito lang naman sa bintana namin.
Nagpapasalamat na rin po ako dahil may rasyon ng pagkain. Ayaw ko sanang maging ganito na lang ang mangyari araw-araw ay aasa kami. Kaso, wala akong magawa. Sana nga po matapos na ang krisis na ito. Sana po maglaho na nang tuluyan ang COVID-19. Pahirap sa mga tao. Nakakaawa rin po ‘yung mga taong nabibiktima ng sakit na ito.
Maraming salamat po.Ingat din po kayo.
TJ
Dear Mr. TJ,
Magandang araw sa iyo. Lahat tayo ay apektado ng krisis na ito. Hindi naman tumitigil ang ating local government officials na tumulong sa atin. Kaya makipag-ugnayan kayo sa inyong brgy. officials para agad kayong matulungan.
Huwag na kayong masyadong mangutang baka naman mabaon kayo.
Konting tiis pa. May-awa ang Diyos sa ating lahat. Hindi Niya tayo pababayaan. Patuloy lang tayong manalangin at magtiwala na may magagawa ang Diyos upang tuluyang maglaho na ang COVID-19.
Huwag kayong lalabas ng bahay. Ang misis mo, sabihan mo ring mag-ingat sa paglalako ng pandesal. Mahirap na. Dapat may face mask siya at may dalang alcohol. Pagpalain tayo ng Diyos.
Dr. Love