Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay binabati kita ng magandang buhay. Tawagin mo na lang akong Annette, 17 years old at nasa senior high.
Mayroon akong crush na bagong dating sa aming neighborhood. Tawagin mo na lang siyang Marc. Si Marc ay nakilala ko nang mag-debut ang best friend kong si Sally at dahil sa kaguwapuhan niya, na-love at first sight ako. Matangkad siya, moreno ang kutis at napakapungay ng kanyang mga mata.
I must tell you hindi pa ako nakakadama ng ganitong love before. Ang mga crush ko ay nagtatagal lang ng ilang araw at pagkatapos ay wala na akong feelings para sa kanila. Kakaiba si Marc dahil kahit last year ko pa siya nakilala, hanggang ngayon ay nasa puso ko pa rin siya.
Lagi ko siyang nami-miss.
Si Marc ay nasa-pre law at may ambisyon siyang maging abogado. Matalino siya, isang bagay na lalo kong hinangaan.
Ang problema, mas pinansin ni Marc ang kaibigan kong si Sally at nabalitaan kong nanliligaw na siya rito. In-love talaga ako kay Marc. Ano kaya ang dapat kong gawin para mapansin niya ako? Sana mabigyan mo ako ng magandang payo sa problema kong ito.
Annette
Dear Annette,
Love at first sight ba ‘ika mo? Sorry, hindi ako naniniwala r’yan. Siguro, attraction at first sight puwede pa dahil siya ay guwapo at matalino.
Maraming kabataan na napagkakamalang pag-ibig ang nadarama nilang paghanga pero madalas, hindi ito totoo. Bagama’t may mga pangyayaring nagkakatuluyan sila at nabubuhay ng maligaya. Pero kadalasan, kapag nagkatuluyan ang babae at lalaki na hindi man lang nagkakilala ng husto, nauuwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.
Love takes time to develop. Oo, nagsisimula ito sa attraction pero ang attraction ay dapat munang mauwi sa friendship upang magka-kilala nang husto ang dalawa at malaman kung sila nga ay compatible sa isa’t isa.
Seventeen ka pa lang at marami ka pang dapat matutuhan sa buhay, lalo na sa larangan ng pag-ibig. Igalang mo na lang ang pasya ni Marc na ligawan ang kaibigan mo.
Dr. Love