Naiipit dahil sa utang na loob

Dear Dr. Love,

Lagi kong sinasamahan si kumpare sa kanyang mga gimik. Kahit binata pa lang kami lagi na kaming nagna-night life.

Maganda ang buhay ng kumpare ko. May negosyo siya ng mga sasakyan. Kaya kung magwaldas ng pera ganun-ganon na lang.

Kapag lumalabas kami nagte-table kami ng mga babae.  Tinamaan yata ang mokong lagi na naming binabalikan ang bebot niya sa isang nigth club.

Lagi ako ang sinisisi ng kanyang asawa. Bakit kinukonsinte ko raw si kumpare. May problema siya sa kanyang misis kahit noon pa. Maaga niyang natesbun at parang bata na laging naghihisterikal. Mabibingi ang tenga mo sa sobrang lakas ng boses.

Hindi ko maiwan ang kumpare ko dahil minsan inaabutan niya ako at nakadelihensiya kami sa kanyang mga sideline.

Pati ang misis ko ngayon ay galit sa akin dahil sa away ni kumpare at ng misis niya.

Parang seryoso na siya sa bebot niya gusto ng hiwalayan ang kanyang misis.

Hindi ko naman mapayuhan si kumpare baka madamay pa ako sa away nila.  Eh eto nga ang misis ko panay ang sermon sa akin. Dahil napapabayaan ko na raw sila ng mga anak ko.  Hindi ko alam kung pangu-ngunsinte ang ginagawa ko. Pero wala akong magawa kasi may utang na loob ako kay kumpare.

Amber

Dear Amber,

Paano maitatama ng kumpare mo ang mali niyang ginagawa kung hindi mo siya sasabihan. Parang sinabi mo na ring kasama ka niya sa pambababae niya.

Hindi talaga mawawala ang duda ng mga misis ninyo hangga’t hindi kayo tumitigil ng kumpare mo sa kakagimik ninyo. Hindi na kayo mga binata bro.

Kung talagang concern ka sa mag-asawa, maaari mo naman siyang pagsabihan sa maayos na paraan.

Nasa kanya pa rin naman ang desisyon, ang mahalaga hindi ka masusumbatan ng iyong konsensiya.

DR. LOVE

Show comments