Deboto

Dear Dr. Love,

Gusto ko lang ibahagi ang karanasan naming mag-asawa sa pagpapasan ng Poong Nazareno.  Alam po ninyo, binata at dalaga pa lang kami ng mister ko ay namamasan na kami tuwing Pista ng Mahal na Patron.

Hanggang sa nakasal kami. Tanging hiling namin ay ang magkaanak kami. Ilang taon din bago kami dininig ng Panginoon. Biniyayaan niya kami ng isang malusog na anak na lalaki.

Patuloy ang aming panata. Dahil nga nagkaanak kami na sa akala namin ay hindi na matutupad.

Ngunit dumating naman ang isang malaking pagsubok sa amin, nagkasakit ang mister ko ng leukemia, cancer sa dugo. Nakuha niya ito sa sobrang pagod sa pagkakarpintero. Minsan umuuwi siya na pagod na pagod at humihingal. Ang akala ko noong una ay simpleng sakit lang pero biglang bagsak ang kanyang katawan.

Pinahilot ko pa nga siya pero hindi na niya kinakaya ang sakit. Kaya nagpa-check up na kami at sinabi ng doktor na may leukemia siya. Natigil siya sa pagtatrabaho. Pero hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asa, patuloy pa rin kaming nanalig kay Poong Nazareno  na pagagalingin siya sa kanyang sakit. Ilang buwan na ang lumipas pero hindi pa rin siya gumagaling at parang lumalala pa ang kanyang sitwasyon.

Nang dumating ang Pista ng Poong Nazareno, nakiusap siya sa akin na kahit ano ang mangyari ay isama ko siya sa pagpapapasan. Ayaw kong pumayag pero nagpumilit siya.

Kitang-kita ko ang hirap niya at unti-unti na siyang nanghihina dahil sa kapal ng tao at sa init ng paligid. Nawalan na siya ng malay habang patuloy ang prosisyon. Nang dalhin namin siya sa ospital, hindi na siya umabot ng buhay. Wala na ang mister ko. Pero kahit na iniwan na niya kami ng anak ko, patuloy pa rin ang aking panata sa Mahal na Poon. At alam kong kapiling na niya ang Panginoon at kami’y pinagdarasal niya.  Maraming sa-lamat po.

Trisha,

Sampaloc Manila

Dear Trisha,

Maraming salamat din sa iyong magandang ibinahagi. Pinahanga ninyo ako sa inyong malalim na debosyon sa Poong Nazareno. Sa kabila ng maraming pagsubok ay hindi kayo sumuko sa inyong panata.

Sana marami pa ang makitaan natin ng malalim na pananalig sa Diyos. Alam ko naman kahit ang iba ay hindi nakapagpapasan tuwing Pista ng Nazareno. Sila ay nagdarasal din at nag-aalay ng mga banal na gawain. Hindi ko tinitingnan na naging pasaway ang mister mo dahil nagpumilit siyang sumama sa inyo kahit alam niyang delikado ito sa kanyang kalagayan. Pagpalain tayo ng Diyos at ipagdasal din natin ang nangyaya-ring mga kaguluhan at sakuna sa ating bansa at sa buong mundo.

DR. LOVE

Show comments