Simpleng dalagang pilipina

Dear Dr. Love,

Ang lola ko ang nagpalaki sa akin. Pinalaki niya ako sa pangaral na dapat mahinhin lamang ang kilos ng isang babae at huwag masyadong sumisigaw lalo na sa harap ng ibang tao.

Tandang tanda ko, halos lahat ng payo niya sa akin. Kasama na ang lagi niyang paalala sa aking mga sinusuot na damit. Huwag daw akong magpapantalon, hindi raw ito para sa mga babae.

Huwag daw akong makikipag-usap sa mga lalaki, lalo na kapag dalawa lang kami sa isang lugar. Lagi raw akong magsasama ng iba para hindi ako napapahamak.

Ang pagpapalaki sa akin ni lola ay malayong-malayo sa takbo ng panahon ngayon. Kaya matatawa ka sa akin kung makikita mo ako, sasabihin mong old passion ako.

Kahit nga ang mga nagiging klaymeyts ko.  Nawi-wirduhan sa akin. Kahit hanggang ngayon, bahay at school lang ako. Hindi rin ako masyadong gumagamit ng gadgets at nagso-social media kahit nga TV hindi na rin ako nanonood, ngayong dalaga na ako. Parang takot akong maligawan. Kapag nakikipag-usap ako sa mga lalaki, parang naiilang ako sa kanila.

Baka raw ako tumandang dalaga sa kakaiwas ko sa mga lalaki. Bilin kasi ni lola, huwag na huwag akong magtitiwala sa mga lalaki. Lalo na sa mga bolero at palikero.

Ok lang naman pero kung papalarin, gusto ko ring makatagpo ng lalaking tulad ng aking lolo na hanggang tumanda ay pinaglingkuran ang aking lola. Hindi nila ako tunay na apo, kinupkop lang at pinalaki lang nila ako. Wala na ang tunay kong mga magulang.

Sonya

Dear Sonya,

Salamat sa ibinahagi mo. Talagang bihira na lang ang tulad mo. Kahit nga mga lola at lolo ngayon ma-kabago na rin. Hanga ako sa lola mo, pinalaki ka nila ng maayos. Naniniwala ako na makakatagpo ka pa rin ng isang lalaking magmamahal at gagalangin ang iyong pagkatao. Hindi naman lahat ng lalaki ay ma-kabago ang pananaw, mayroon pa ring naghahanap ng simpleng dalagang Pilipina na tulad mo.

Dr. Love

Show comments