Salamat at paalam, Tatay!
Dear Dr. Love,
Wish ko na sakto sa araw ng mga mahal sa buhay naming yumao ang sulat kong ito. Gusto ko lang magpasalamat sa tatay ko, last year lang siya pumanaw. Napakabait niya sa aming magkakapatid simula nang makapagseminar sila ng mama namin sa simbahan.
Dati hindi siya nagsisimba, sugal at sabong ang gawain niya sa buong Linggo. Madalas din siya maglasing na nauuwi sa pag-aaway nila ni mama. Pero nang magkakilala sila ni Padre, kasamang lingkod ni mama sa simbahan, nagbago siya.
Niyaya siya ni Padre na sumama kay mama sa couple’s meeting sa simbahan at ‘yun na. Kung dati na panabong, baraha o bote ng alak ang hawak niya, bibliya na ngayon.
Malungkot lang dahil hindi nagtagal ay pumanaw siya. Habang sabay-sabay kaming kumakain, nabilaukan si tatay at ‘di na umabot sa ospital. Gayunman, nagpapa-salamat na rin kami sa Maykapal dahil kahit sa maiksing panahon ay naranasan namin ang higit na pagmamahal nang magbago ang aming tatay.
Elmer
Dear Elmer,
Lahat naman tayo may hangganan. Pero tama ka na ipagpasalamat pa rin sa Diyos na nakakilala ang tatay mo bago may mangyari sa kanya.
Ang maipapayo ko, ibaling mo sa iyong buhay pang mama ang pananabik mo sa iyong tatay, habang kapi-ling pa ninyo siya. Salamat sa magandang sharing mo. God bless sa inyo.
Dr. Love
- Latest