Selosong pinagse-selosan na rin

Dear Dr. Love,

Dahil sa sobra kong pagkaseloso at pag­ka-possessive, nagkahiwalay kami ng asawa kong si Sandra.

Nagkasundo kaming magkanya-kanya ng landas dahil walang patutunguhan ang aming pagsasama kung palagi kaming nag-aaway. Ang dalawa naming anak ay nasa kanya. Siya kasi ang may pirmihang trabaho at ako ay pawarde-warde ang hanapbuhay.

Siguro ito rin ang dahilan kung bakit ako ay masyadong insecure sa buhay. Wala akong tinatagalang trabaho at iniaasa nang lahat sa asawa ang malaking bahagi ng aming gastusin sa bahay.

Magkaganon man, Dr. Love sa buong panahon ng pagsasama namin ni Sandra, wala akong ibang babae na nakursunadahan. Ang sabi naman niya, masyado ko siyang sinasakal sa pagkaseloso ko.

Minsan sinundan ko siya sa shooting na pinag-awayan namin dahil wala raw akong tiwala. Handa naman daw siyang magbitiw sa trabaho kung ginagampanan ko ang tung­kulin bilang ama. Nasampal ko siya at ‘yun na, umalis siyang kasama ang aming mga anak.

Limang taon na ang lumipas at ngayon nga ay nararanasan ko ang sitwasyon noon sa’kin ni Sandra, dahil selosa si Desiree. Nagse­selos siya sa aking mga anak at kay Sandra na mas mahal ko raw.

Gusto ko nang hiwalayan si Desiree at humingi ng tawad sa aking asawa. Sa palagay n’yo ba matatanggap pa niya ako? Sa mga lumi­pas na taon, walang naging boyfriend si Sandra, pero ako ay nagkaroon ng ibang karelas­yon. Mahal ko pa rin ang asawa ko hanggang ngayon.

Gumagalang at nagpapasalamat,

Zaldy

Dear Zaldy,

Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Gawin mo ang paghingi ng tawad at pagsikapang suyuin siya. Mag-asawa pa rin naman kayo dahil hindi legal ang inyong paghihiwalay.

Gawin mo ‘yan sa lalong madaling panahon, alang-alang sa inyong lumalaki nang mga anak. Sakaling makuha mo ang kapatawaran niya, huwag mo nang sayangin.

DR. LOVE

Show comments