Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo, Dr. Love? Umaasa ako na nasa maganda kayong kalusugan sa pagtanggap ninyo sa sulat kong ito.
Tawagin mo na lang akong Eliza, 31-anyos at isang market vendor. Wala pa akong asawa hanggang sa ngayon dahil sa simula’t simula pa, wala akong inibig sa mga lalaking nanligaw sa akin.
Hanggang sa umabot nga ako sa edad na ito na single pa.
Importante ba talaga sa paghanap ng partner ang love? Kasi po, naisip ko na sa edad kong ito ay papunta na ako sa pagiging matandang dalaga.
Dalawa po sa mga tiya ko ang matandang dalaga kaya sa kanilang katandaan ay walang lumilingap sa kanilang mga anak.
May nanliligaw sa akin ngayon na matanda sa akin ng limang taon. Biyudo siya at guwapo. Pero kahit guwapo ay wala akong nararamdaman para sa kanya.
Tama po ba na pakasalan ko siya kahit walang love?
Eliza
Dear Eliza,
Magiging unfair sa partner mo kung ang layunin mo sa pagsagot sa kanya ay dahil ibig mo lang magkaroon ng mga anak na mag-aalaga sa iyo.
Pero sabihin mo sa kanya ang lahat ng isinalaysay mo sa iyong sulat. Tanungin mo siya kung papayag siyang pakasalan ka kahit wala kang nadaramang pag-ibig sa kanya.
Naniniwala rin ako na sa loob ng panahon nang magiging pagsasama ninyo ay baka ma-develop sa iyo ang pagmamahal para sa kanya.
Dr. Love