Dear Dr. Love,
Isang mabiyayang Bagong Taon sa iyo, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Connie, 30 anyos. Tatlong taon na nang iwanan kaming mag-iina ng aking asawa na sumakabilang-bahay.
Masama ang loob ko sa kataksilan niya. Kung ako ang tatanungin, hindi ko mapapatawad ang kasalanan niya. Puro maliliit pa ang tatlo naming anak nang umalis siya na tanging inaasahan namin na magsusustento sa aming pangangailangan. Kaya mula noon ay natuto akong magtrabaho at naging tindera sa palengke.
Ngayon ay bumabalik siya sa akin. Kinaliwa raw siya ng kanyang kinakasama. Humihingi siya ng tawad.
Noong isang araw ay tahasan ko siyang pinaalis at sinabi ko na hindi ko siya kayang patawarin. Patuloy siyang nagti-text sa akin. Sabi ng mga anak ko na mga dalagita at binatilyo na, patawarin ko na siya. Ano ang gagawin ko?
Connie
Dear Connie,
Sabi sa wikang English, “to err is human and to forgive is divine.” Aral sa atin ng Diyos na matuto tayong magpatawad.
Kaya makabubuti kung bibigyan mo siya ng isa pang pagkakataon, basta’t hindi na siya uulit. Makabubuti iyan para sa iyong mga lumalaking anak.
Kapag hiwalay ang mga magulang, ang mga bata ay naaapektuhan at naliliko ng landas.
Kaya alang-alang man lang sa mga bata ay magpatawad ka na.
Dr. Love