Dear Dr. Love,
Matagal ko nang balak na magpa-breast implant pero tutol dito ang boyfriend ko. Hindi ko na raw kailangang gumawa pa nito para magpaganda at maging sexy sa paningin ng iba.
Hindi po ang atensiyon ng iba ang hangad ko sa pagnanais na sumailalim sa breast implant procedure, kundi ang magkaroon ng self confidence. Wala pong damit ang bumabagay sa akin dahil manipis ang dibdib ko, bagay na nakakawala ng kompiyansa ko.
Hindi po naiintindihan ni Arturo ang tungkol dito. Sa katunayan ay nagbabala pa siya na magkakasira kaming dalawa kung itutuloy ko ang balak ko. Limang taon na po kaming mag-on.
Kung ano anya ang kaloob sa akin ng Maykapal, iyon ay maluwag kong tatanggapin dahil bahagi iyon ng pagiging ako, na inibig niya. Pero matagal ko na pong pinag-ipunan ang breast implant dahil mula pa noong teenager ako, ang kawalan ng boobs ay nakapagpawala rin ng maraming tsansa sa akin na lumahok sa mga beauty contests.
Suportado po ako ng pamilya ko sa plano ko, basta tiyakin lang na mahusay ang doktor na gagawa. Sa palagay n’yo po ba may katwiran si Arturo sa kanyang banta? Paano naman po ako? Payuhan mo po ako at maraming salamat.
Gumagalang,
Nimfa
Dear Nimfa,
Sa palagay ko, malaki lang ang pangamba ng boyfriend mo tungkol sa balak mong breast implant, hindi lamang sa atensyong maaaring makuha mo pagkatapos nito. Kundi sa mismong prosesong kailangan mong pagdaanan. Kaya iginigiit niyang huwag mong ituloy.
Pero ikaw pa rin ang magpapasiya para sa sarili, sa huli. Kung talagang desidido kang ituloy, ikaw ang bahala.
Ang naturalesa naman nating mga tao ay walang kakontentuhan sa buhay. Gayunman, para sa akin hindi lang naman ang pisikal na katangian ang mapagkukunan ng self steem. Dahil pwede rin ang iba pang kakayahan at talino na mayroon tayo. Kailangan lang ay tuklasin natin ito at pagyamanin.
DR. LOVE