Dear Dr. Love,
Bago iginupo ng sakit ang yumao kong asawa ay may habilin sa aming apat na mga anak na lalaki na kung sila ay magsisipag-asawa na, kailangan nilang bumukod ng bahay para ang mag-asawa ay matutong magsimula ng sila lang dalawa at magpundar ng sarili nilang kabuhayan.
Tinupad po ito ng tatlong nakakatandang mga anak ko. Ang bunsong si Manuel na lang po ang natitirang kasama ko sa bahay, bukod pa ang isang kasambahay. Bagaman nasa 30-anyos na siya, may magandang kabuhayan at may girlfriend, wala pa rin siyang nababanggit tungkol sa pagpapakasal nila.
Nang ungkatin ko ito, nalaman ko na sa kanya pala ako inihabilin ng kanilang ama para alagaan. At kung mag-aasawa raw siya, kailangan nilang bumukod bilang respeto sa patakaran ng kanilang ama.
Hindi raw niya ako mahahabilin sa kasambahay, dahil hindi rin siya mapapanatag. Lingid sa kaalaman ko ay nag-uusap ang aking mga anak kung paano masusulusyunan ang problemang ito ng aking bunso.
Naluha ako dahil kahit may kani-kaniyang buhay na sila ay hindi nila ako nakakalimutan. Nagkaisa silang magtayo ng sariling tirahan na duplex si Manuel sa aming likod bahay pero karugtong ito sa sala ng main house.
Bukod ang kusina at tulugan pero ang salas ng kanilang tirahan ay yaon ding sa amin. Ang gate ng bahay ay siya ring daraanan papasok sa kanilang tirahan.
Ang anak kong arkitekto ang siyang mangangasiwa ng pagpapagawa at renovation ng buong bahay na anila ay mananatili sa pangangalaga ni Manuel dahil ito ang magsisilbing ancestral home nila at dito gaganapin ang mahahalagang okasyong pampamilya.
Mapalad po ako Dr. Love sa pagkakaroon ng mababait at maunawaing mga anak na marunong rumespeto sa patakaran ng kanilang magulang.
Sana po, maging gabay din ito sa ibang pamilya dahil karaniwang ang matatanda nang magulang ay ipinauubaya na lang sa kalinga ng anak na mas may panahong bumisita sa kanila.
Hanggang dito na lang po at maraming salamat sa inyong walang sawang pagtulong sa mga taong may problema sa buhay.
Gumagalang,
Nanay Corazon Montes vda de Montenegro
Dear Nanay Corazon,
Maraming salamat sa liham ninyo at sana’y manatili kayong tagasubaybay ng aming pahayagan at column na ito. Tunay na kayamanang hindi mapapantayan ang mga anak na may mabuting puso at nagpapahalaga sa magulang.
DR. LOVE