Nagpakasal sa bilanggo
Dear Dr. Love,
Malaki ang ipinagbago ni Florentino simula nang makasal kami. Sa katunayan, nakatulong ang pagbabagong iyon para maibaba ang sentensiyang habang buhay sa kanya.
Pero Dr. Love, may nagbago rin po sa akin. Dahil unti-unting lumilinaw na sa set up ng relasyon namin ni Florentino, hindi matutupad ang pangarap kong magkaroon sa sariling pamilya. Bagay na ayaw kong mangyari.
Naiisip ko po na ipawalang bisa ang aming kasal nang sa gayon ay magkaroon ako ng pagkakataon na makilala ang lalaking magbibigay ng katuparan sa hangad kong magkaroon ng pamilya.
Pero hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay Tino ang tungkol dito. Baka kasi magwala siya at tuluyang magpakasama. Masasayang ang pagbabagong nasimulan niya.
Ulila akong lubos nang magkakilala kami sa panulat ni Florentino. Nagkaroon ako ng hangarin na matulungan siyang magbago. At nakita ko ang pagkakataon nang magkalapit kami sa isa’t isa, nakisimpatiya ako sa kanya, na nauwi sa kasalan.
Wala naman pong ibang lalaking kaugnay sa nagiging kalooban ko ngayon. Gusto ko lang pong matupad ang pangarap ko para maging masaya ang buhay ko.
Pagpayuhan po ninyo ako. Maraming salamat po at sumainyo ang biyaya ng Panginoon sa panahong ito ng Pasko.
Gumagalang,
Shirley
Dear Shirley,
Gaya ng palasak na kasabihan, ang kasal ay hindi kaning isusubo na kapag napaso ay iluluwa. Hindi naman kaila sa’yo na sentensiyado si Florentino pero nagpasya ka pa ring magpakasal sa kanya.
Wala akong nakikitang ground para mapawalang bisa ang inyong kasal. At isa pa, hindi malayong mangyari na tuluyang malugmok sa kumunoy ang asawa mo kapag nalaman niya ang gusto mong mangyari.
Subukan mong lumapit sa pastor na nagkasal sa inyo para matulungan ka sa pagsubok na nararanasan mo ngayon.
DR. LOVE
- Latest