Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Matagal na po akong tagahanga ng inyong column. Tawagin n’yo na lang po akong Eric. Wala kaming anak ng napangasawa ko at tatlong taon pa lang naikakasal.
Gusto ko po ihingi ng payo ang tungkol sa kabaliktarang pagkataong taglay ng aking asawa, na taliwas sa lahat ng pagpapakilala niya sa akin. Noong hindi pa kami naikakasal, pinaniwala niya akong maka-Diyos siya, mapagkakatiwalaan, sanay sa hirap at pagnenegosyo. Pero nung makasal na kami, lumitaw ang tunay niyang pagkatao na, tsismosa, sinungaling, tamad, magnanakaw at traydor.
Maraming beses ko na po siyang pinatawad, pero hindi siya nagbabago.
Kahit sariling magulang niya ay sumusuko pala sa kanyang katigasan ng ulo.
Winaldas po niya, Dr. Love ang lahat ng mga pinaghirapan ko sa abroad. Marami siyang pinasok na negosyo na papalaguin niya raw, pero nauwi sa pagkabaon sa utang. Ang mga maniningil pa niya ang nagsabi ng tungkol dito sa akin.
Nagpatayo pala siya ng bahay para sa kanyang pamilya nang hindi ko alam. Ang mga kapatid niya ang gumagamit nito dahil hirap silang makatulog dahil sa nawawala na isa pang kapatid na may diperensiya sa pag-iisip. Itinago po niya at ng pamilya niya ang bagay na ito sa akin. Sinabi rin niyang may titulo ang bahay, pero ang katotohanan ay wala.
Salamat po sa inyong payo.
Eric
Dear Eric,
Baka nakasara ang linya ng inyong komunikasyon kaya buksan mo ito. Ibig sabihin, mag-usap kayo at alamin ang puno’t dulo ng kanyang inuugali.
Sa ganyang mga kaso ng pagsasama, bagamat babae ang dapat maging tesorera ng pamilya, may karapatan ang lalaki na akuin ang ganyang responsibilidad at bigyan mo ang iyong asawa ng papel bilang kaagapay mo lang.
Komo ikaw ang mas responsable, pakinggan mo lang ang kanyang mga suhestiyon pero lahat ng major decision, lalo na sa pananalapi ay ikaw ang dapat magpasya.
Higit sa lahat, lagi kayong magdasal na dalawa. Pagbulayan ang Word of God na magkasama kayo at makikita mo na may malaking himala na mangyayari sa buhay mo.
Dr. Love